Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-44 na labas

Matapos ang ilang pagsusuri ay agad lumabas ang resulta.

“Glenn, I hope na hindi makasagabal ang resultang ito sa relasyon mo sa babaeng mahal mo.” Iniabot ng doctor ang resulta kay Glenn.

Marahang binuksan ni Glenn ang envelope. Napakunot ang noo niya nang mabasa ang nilalaman niyon.

“Mr. Trinidad, dalawang aksidente na ang kinasangkutan mo at ang huli ang masasabi kong nakaapekto ng husto sa’yo…ayon sa medical report mo at ng mga isinagawa nating test, kasamang naapektuhan dito ang kakayahan mong magkaanak…I’m very sorry…”

Pakiramdam ni Glenn ay binagsakan siya ng langit at lupa. Hindi siya nagkamali ng kutob. At walang kasing sakit para sa kanya ang katotohanang iyon. Hindi niya maiwasang mapaiyak sa harap ng tiyahin nang makalabas na sila sa opisina ng doctor.

“Sige Glenn, iiyak mo lang ‘yan…”

Walang anumang lumabas mula sa bibig ng binata. Hinayaan niyang umagos nang umagos mula sa mga mata ang luha ng kabiguan.

Mas masakit pa ito kaysa noong nangungulila siya sa loob ng ospital sa America matapos ang aksidente nila ni Alicia. Mas masakit pa noong magkalayo sila ni Charlotte sa ikalawang pagkakataon.

Ang isiping hindi kanya ang nasa sinapupunan ng babaeng labis niyang minamahal at ang isiping hindi niya ito mabibigyan ng anak kailanman ay sapat na upang muli siyang mangamba sa alalaha­ning maging dahilan ito ng muli nilang pagkakalayo o tuluyang pagkakalayo.

Sa sobrang excited ay namili na si Charlotte ng mga gamit ng baby. Unisex ang pinamili niya para walang maging problema babae man o lalaki ang maging anak nila ni Glenn.

Gusto niyang pagbalik niya ng isla ay dala na niya ang mga pinamili at doon na lang niya ito pabuburdahan sa tiyahin ni Glenn ng napili nilang pangalan ng anak.

“Sana lalaki para masunod ang gusto ni Glenn na Glenn  Jr. ang maging name ng baby namin!” natutuwa pang naisip ni Charlotte.

Nilapitan ni Brenda si Glenn nang makita niya itong mag-isang nakaupo sa baybayin ng dagat.

“Glenn, gabi na anong ginagawa mo dito?”

“Wala. Nagpapahangin lang…”

“Nagpapahangin o iniisip mo na naman si Charlotte?…wag kang mag-alala, babalik naman siya diba?”

Naupo si Brenda sa tabi ng binata.

Related Posts

“Alam mo Glenn, napakasuwerte ni Charlotte sa’yo…sobrang wagas ang pagmamahal mo sa kanya, parang gusto ko na rin tuloy maniwala sa sinasabi ni ninang tungkol sa reincarnation ninyong dalawa!”

Hindi kumibo si Glenn, Nanatili siyang walang imik.

“Hay naku, mukhang gusto mo nga yatang mapag-isa, sige pasok na ko sa loob ha, promise mo lang hindi ka na ulit magpapakalunod!” biro pa ng dalaga.

Kahit papa’no ay napangiti si Glenn.

“Hindi…salamat ulit sa’yo.”Pagkarinig niyon ay iniwan na ni Brenda si Glenn.

Masayang-masaya si Charlotte nang bumalik sa isla. Hinanap agad niya si Glenn.

“GLENN?” pumasok siya sa kuwarto nila nang hindi ito makita sa salas.
“GLENN!”

Agad siyang yumakap sa binata nang makita niya itong nakahiga sa kama. Pero natigilan siya nang mapansin ang ilang bote ng alak sa lapag.

“Glenn, uminom ka ba?”

“H-ha? konti lang…”

Naupo si Charlotte sa gilid ng kama.

“May problema ba?” tanong ng dalaga.

Umiling ang binata. Tumayo ito at pinalitan ang pangtulog na damit.

“Kumusta ang biyahe mo?”

“Okay naman…”

“Siyanga pala, last session na namin ni Brenda bukas, kaya sa tingin ko makakaluwas na ulit ako sa Manila at makakabalik sa dati kong buhay.”

“Glenn, may dinaramdam ka ba?” pansin ni Charlotte nang tila hindi makatingin sa kanya ng diretso ang binata.

“Wala naman, okay lang ako, ano ka ba.” (Itutuloy)