Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 562

Ika-43 na labas

Pareho silang tumingala sa painting. Unang bumawi ng tingin si Charlotte at bumaling kay Glenn.

“Glenn,mula ngayon wala na akong ibang gustong isipin kundi ang ikaw at ang magiging anak natin!”

Tumingin sa kanya ang binata at pagkatapos ay bumaba ang tingin nito sa tiyan niya na hindi pa naman halata ang dinadala. Hinaplos iyon ni Glenn at buong suyong hinagkan.

“Siya ang bunga ng ating pagmamahalan…at lalaki siyang puno ng pagmamahal…” ani Glenn.

“Pero, habang maliit pa siya sa tiyan ko, kailangan ko munang bumalik sa Manila, marami pa kasi akong dapat ayusin doon.”

“Sasamahan kita.”

“Hindi na Glenn, kaya ko naman ang sarili ko, ilang session na lang ang kailangan mong bunuin, pagtiyagaan mo na.”

“Nag-aalala kasi ako eh…”

“Ngayon ka pa ba mag-aalala, buo na tayo Glenn, isang pamilya na tayo!” nakangiting sabi ni Charlotte.

Niyakap ni Glenn ang nobya at hinagkan sa noo.

“Bumalik ka agad.” Bulong nito.

Pagkasabi niyon ay muli nilang ibinaling ang tingin sa painting.

“Glenn, kapag lalaki ang naging anak natin, gusto kong Gabriel ang ipingalan natin sa kanya.” Ani Charlotte habang nakangiti at nanatili ang tingin sa painting.

“At Perla naman kapag babae?”

“Yes. O pwede rin naman Glenn Jr. kung gusto mo!”

Related Posts

“Hmm, mukhang mas okay ‘yung Glenn Jr.!” nakangiting tugon ni Glenn sabay akbay sa nobya.

Habang bumibiyahe si Charlotte palayo sa isla lulan ng bangka ay tinatanaw niya si Glenn na hinatid rin siya ng tanaw hanggang sa hindi na niya ito makita.

Naupo siya sa upuan at muling tumanaw sa dagat. Maya-maya pa ay naramdaman niya ang pagkahilo. Tila nagdidilim ang kanyang paningin. Sa kabila ng pagdidilim ng paningin ay malinaw niyang nakita ang malungkot na malungkot na imahe nina Gabriel at Perla na pilit inaabot ang kamay ng isa’t isa.

“Gabriel, huwag kang umalis! Huwag mo akong iwan!” narinig niyang sinabi ni Perla.

“GABRIEL! GABRIEL!” habol ni Perla sa lalaki na nagsimulang lumakad palayo.

Tila nahimasmasan naman si Charlotte nang kalabitin siya ng katabing pasahero.

“Miss, okay ka lang ba?”

“H-ha, oo, okay lang ako…”

Muling napatanaw si Charlotte sa islang pinanggalingan. Nakaramdam siya ng pag-aalala.

Nang makarating sa Manila ay agad inasikaso ni Charlotte ang trabahong maiiwan niya ng ilang buwan. Gusto kasi niyang mag-stay sa isla sa piling ni Glenn sa panahon ng pagbubuntis niya. Pero bago siya bumalik sa isla ay kasama sa plano niya ang pagbisita sa mga magulang. Kailangang malaman ng mga ito ang mga pangyayari sa kanya lalo na ang tungkol sa dinadala niya. Nangangamba man na baka magalit ang mga ito, umaasa naman siyang sa huli ay maiintindihan din siya ng sari­ling pamilya.

“Charlotte, nag-iisip ka pa ba? o tuluyan ka nang nagpadala sa paniniwala mo sa reincarnation na yan na isang malaking kalokohan?” galit nag alit si Charlie nang malaman nito ang pakikipagbalikan ng kapatid kay Glenn.

“Kuya Charlie, sana maintindihan nyo ako, si Glenn talaga ang mahal ko…”

Nagkatinginan ang mga magulang ni Charlotte. Mga tingin na naguguluhan man ay nais pa ring umunawa sa anak.

“Charlie, lumabas ka na muna, kami na ang kakausap sa kapatid mo.” Ani Mang Cholo.

Inis na lumabas si Charlie. Nang makalabas na ito ay saka kinausap ng mag-asawa ng masinsinan ang anak. Pinanindigan naman ni Charlotte ang pag-ibig nila ni Glenn lalo na at dinadala na niya sa kanyang sinapupunan ang pinaniniwalaan niyang bunga nito.

Samantala. Para naman sa ikatatahimik ni Glenn, sinamahan siya ng Tita Gina niya sa isang espesyalistang kakilala nito upang sumuri sa kakayahan niyang magkaanak. (Itutuloy)