Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-41 na labas

“RICK!”

“Nagulat ka ba dahil nasundan kita?”

Abante Hiring – IT dep

“A-anong ginagawa mo dito?”

“Tinatanong pa ba ‘yan, Charlotte? Alam mo kung bakit ako nandito…sinusundo na kita.”

“Rick, mag-usap tayo, pero ‘wag dito, okay?”

Mula naman sa likuran ay sumulpot si Glenn at nagmamadali ang mga kamaong pinadapo sa mukha ni Rick.

“Hayup ka!” si Glenn.

Gumanti ng suntok si Rick pero agad ding nakabawi si Glenn.

“Tama na! Tama na, ano ba!” awat ni Charlotte.

“Glenn, hayaan mo kaming mag-usap,” pakiusap ng dalaga.

Sa labas ng bahay dinala ni Charlotte si Rick.

“Paano mo ito nalaman, Rick?”

“Nakiusap ako kay Wilma na sabihin sa akin ang address na ito…gusto ko lang magkaayos tayo, Charlotte, alam kong may nagawa akong mali pero sana naman mapatawad mo na’ko…”

“Pinatawad na kita, Rick…ako sana ang hihingi ng tawad sa’yo ngayon…”

“Para saan?”

“Rick, minahal kita, alam mo ‘yan, bilang kaibigan, bilang boyfriend…kaya lang…”

Related Posts

“Kaya lang, bumalik na ang pagmamahal mo sa kanya gano’n ba? Kaya itatapon mo na lang ang pinagsamahan natin?”

“Hindi gano’n Rick…”

“So ano, dahil naniniwala ka pa rin sa reincarnation ninyong dalawa?”

“Simple lang, Rick, dahil siya pala talaga ang mahal ko…” mahinahon pagtatapat ng dalaga.

Natigilan si Rick.

“Rick, sana maintindihan mo…”

Nabigla pa si Charlotte nang biglang lumuhod sa kanya ang binata.

“Please, Charlotte, bigyan mo pa’ko ng isa pang pagkakataon…mahal na mahal kita…hindi ko kayang mawala ka sa’kin…”

“Tumayo ka nga diyan, Rick, ‘wag mong gawin ‘to.”

“Gagawin ko ang lahat ‘wag ka lang mawala sa akin…at ‘yung narinig ko kanina, tapatin mo ako, Charlotte, buntis ka ba?”

Hindi nakaimik ang dalaga.

“Kung buntis ka, baka ako ang ama ng dinadala mo, kapag nangyari ‘yon may magbubuklod na sa ating dalawa, kaya pakiusap sabihin mo sa aking buntis ka at ako ang ama!”

Pilit kumawala si Charlotte sa pagkakayakap sa kanya ni Rick habang nakaluhod ito sa harapan niya.

“Hindi ako buntis, Rick, tumayo ka na!”

Tumayo ang binata. Nagsusumamo ang mukhang humarap sa dalaga.

“Rick, makinig ka sa’kin…kung talagang mahal mo ako hahayaan mo ako kung saan ako magiging masaya…at sana maintindihan mo ako…Rick, alam kong hindi ganoon kadali, dahil pinagdaanan ko rin, alam ko ang pakiramdam nang mawalan…pero kailangan kong gawin ‘to kaysa habambuhay kitang masaktan…naging mabuti ka sa’kin at pinasasalamatan ko ang bawat oras at araw na inilaan mo sa akin, na nakasama kita…kaya wala akong ibang hangad para sa’yo kundi sana matagpuan mo agad ang babae na makakapagbigay sa’yo ng sarili niya nang buung-buo…”

Laglag ang balikat na nilisan ni Rick ang lugar. Habang tinatanaw siya ni Charlotte palayo ay labis ang kalungkutang nadama ng dalaga. Malaki ang naging bahagi ni Rick sa buhay niya. Nagawa man siya nitong pagsamantalahan, naiintindihan niya ito at hindi malalim ang galit na ibinunga nito sa kanya. (Itutuloy)