Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 562

Ika-39 na labas

Sa labas ng lumang bahay na iyon ay magkausap sina Brenda at Aling Gina.

“Sana magkaayos na sila…dahil naniniwala ako na sila nga ang reincarnation nina Kuya Gabriel at Perla…halos lahat kasi ng kilos, pananamit at mga gusto ng kapatid ko ay nakita ko kay Glenn…kakatwa pero naniniwala talaga ako…”

Iba naman ang nararamdaman ni Brenda. Labis na panibugho habang nakatingin siya sa lumang bahay at iniisip na magkasama ngayon doon ang dalawa.

Matapos ang pagniniig ay iniabot ni Glenn ang damit ni Charlotte at tinulungan pa niyang makapagbihis ang dalaga.

“Charlotte, ibig bang sabihin nito tayo na ulit?”

Tumango ang dalaga at tipid na ngumiti.

“Alam na ba ni Rick?”

Umiling si Charlotte.

“Bakit hindi mo pa sinabi?”

Biglang naalala ni Charlotte ang pagsasamantala sa kanya ni Rick. Kaya nag-iba ang aura niya. Agad dumaloy ang luha sa pisngi. Nag-alala si Glenn.

“Honey, may nasabi ba’kong hindi maganda? Sorry, hon!”

“H-hindi wala…may naalala lang ako…”

“Charlotte, alam mong puwede mong sabihin sa akin ang kahit na ano, lalo na ang gumugulo sa isip mo…”

Naupo si Charlotte sa upuang nasa harap ng malaking piano at painting. Tinabihan siya ni Glenn.

“Glenn, I’m sorry…kailangan ko na ring umalis agad…”

“Umalis? Sige, papayagan kitang umalis, pero sasamahan kita.”

“Hindi pa tapos ang therapy mo, kailangan mo pang pagalingin nang husto ang mga paa mo…”

Related Posts

“Alam ko, pero ayokong maging hadlang ulit ang kalagayan ko para muling malayo sa’yo…noong pinili mo si Rick at umalis ka, akala ko wala nang pag-asa ang pag-ibig natin, pero ngayong nagbalik ka at ibinigay mo ulit ang sarili mo sa’kin, hindi na kita hahayaang umalis ulit…nang mag-isa…”

Saglit na namagitan ang katahimikan.

“Glenn, nabalitaan ko ang nangyari sa’yo… ‘wag mo na ulit uulitin… ‘wag mong hayaang mangyari sa’yo ang nangyari sa tito mo…”

“Si tita ba ang nagsabi sa’yo niyan o si Ivan?…kaya ka ba nandito?”

Umiling si Charlotte.

“Hindi…hindi lang dahil do’n…kundi dahil na rin sa nangyari sa’kin…”

Napakunot noo si Glenn.

“Anong nangyari sa’yo?”

“S-siguro kung sa pangkaraniwang magkarelasyon hindi naman ito issue, kasi nangyayari naman talaga ‘to…kaya lang kasi, sa sitwasyon namin ni Rick…pinilit niya ko…pinagsamantalahan niya ko…” umiiyak na pagtatapat ni Charlotte.

Napapikit si Glenn at napahugot ng malalim na hininga. Matapos iyon ay niyakap niya nang mahigpit ang dalaga. Isang mahigpit na yakap na nagpapadama ng kasiguruhan. Gusto niyang maramdaman nito ang pag-ibig na handang tumanggap sa mga pangyayaring kapwa nila hindi ginusto.

“Charlotte, ‘wag ka nang babalik sa kanya…mula ngayon poprotektahan kita at hindi ko na hahayaan na maranasan mo ulit ang mga napagdaanan mo…”

Sa mga balikat ni Glenn hinayaan ni Charlotte na umagos ang mga luha ng kabiguan niya sa pi­ling ni Rick. Sa mga balikat ni Glenn naramdaman niya ang pag-asa na hindi na siya muling luluha pa sa kabiguan.

Gabi. Habang magkakaharap sa hapunan ay kinausap ni Aling Gina sina Glenn at Charlotte.

“Anong plano ninyong dalawa?”

“Ahm, tita…kung okay lang po sa inyo, pwede po bang dito muna si Charlotte?”

Nagkatinginan sina Aling Gina at Brenda.

“Glenn, tulad nga ng sinabi ko kay Charlotte, palaging bukas ang tahanan na ito para sa kanya…e, wala na ba kayong problema, ‘yung boyfriend mo binreak mo na ba?”

“Hindi na siya babalik kay Rick tita,” si Glenn ang sumagot, sabay hawak sa kamay ni Charlotte.

“E, kung gano’n, mas mabuti, bakit ‘di pa kayo magpakasal?” Sina Glenn at Charlotte naman ang nagkati­nginan. (Itutuloy)