Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-37 na labas

Lingid kina Wilma at Rick, mag-isang bumalik si Charlotte kay Madam Liweng.

“Charlotte, natutuwa akong makita kang muli,” bungad ng matanda sa pag-uusap nila.

Abante Hiring – IT dep

“Madam, alam ko na po na binayaran lang kayo ni Ivan para magsinungaling sa’kin, pero gusto ko lang pong malaman n’yo na ang mga sinabi n’yo sa akin noon ay parang nagkakatotoo po lahat pati ang pagbabalik ni Glenn sa buhay ko!”

Nagulat ang matanda, pero pagkuwa’y…

“Oo, totoong nagpabayad ako dahil sa kailangan naman talaga namin ng apo ko ng pera, pero bilang kapalit no’n, hindi ako nagsinungaling sa’yo…sinabi ko ang totoong nabasa ko sa mga baraha ko…”

“Kung gano’n po, puwede n’yo po ba akong tulungan?”

“Matagal na kitang tinutulungan, sinabi ko na sa’yo kung anong dapat mong gawin.”

“Madam, hindi n’yo po naiintindihan, may kanya-kanya na po kaming buhay ni Glenn, pero patuloy po akong ginugulo ng tungkol sa reincarnation, at nakita mismo namin ni Glenn ang mga tao sa painting na halos walang pinagkaiba sa mga hitsura namin!”

“Hija, ikaw yata ang hindi nakakaintindi…sa simula pa lang ng aksidente, sinabi ko na sa inyo ni Glenn ang dapat mangyari, oo nagkahiwalay kayo, pero muli kayong pinagtagpo dahil iyon ang nakatakda…, pero pilit mong iniiba ang landas mo, sa ginagawa mo maaari kang maligaw at ayon dito sa baraha ko sa oras na maligaw ka ng landas, wala ka nang ibang mapupuntahan kundi kasawian.”

Katahimikan.

“Madam, ang gusto ko sana kung puwede po, ay makausap ang mga kaluluwa nina Perla at Gabriel!”

Napakunot-noo ang si Madam Liweng.

“Hindi mangyayari ang nais mo…”

“Pero bakit po?”

“Dahil si Perla at ikaw ay iisa…ganoon din sina Gabriel at Glenn!”

Nanghilakbot ang dalaga. Tila nanlamig ang kanyang pakiramdam at nayakap niya ang sarili.

Pag-uwi sa bahay, nagulat pa si Charlotte nang datnan niya doon si Wilma.

“Bes!”

“Na-surprise ba kita?”

Nagyakap ang magkaibigan bago magkatabing naupo sa sofa.

“Buti na lang may susi pa ako nitong bahay mo, saan ka ba galing?”

“Kay Madam…”

“What? Nagpunta ka do’n mag-isa?”

Tumango ang dalaga.

“Sorry bes, naguguluhan na kasi ako…pero lalo akong naguluhan nang sabihin niya sa akin na ako at si Perla ay iisa, at si Glenn naman at ‘yung Tito Gabriel niya ay iisa rin, ang weird, ‘di ba?”

“Charlotte, kailangan yata talagang kayo ang magkatuluyan ni Glenn para matapos na ang problemang ito.”

“Teka ba’t nga pala napadaan ka, hindi ba dapat nasa honeymoon ka na?”

“Oo, kaya nga dinaanan kita para magpaalam, kasi sa London namin balak mag-honeymoon!”

“Talaga? I’m so happy for you, bes!”

Muling niyakap ni Charlotte ang kaibigan.

Pag-alis ni Wilma ay tinawagan ni Charlotte ang tiyahin ni Glenn.

Related Posts

“Tita Gina, sorry kung hindi pa ako makapunta, baka po sa makalawa pa o sa ibang araw, may inaasikaso lang po akong importante.”

“Okay lang, naiintindihan ko…mabuti na lang at nandito si Brenda. Kahit papa’no may umaalalay kay Glenn na isang kaibigan.”

“Si Brenda po ‘yung inaanak n’yo na therapist ni Glenn?”

“Oo, tingin ko kasi napapalapit na sila sa isa’t isa bilang magkaibigan.”

May selos na naramdaman si Charlotte. Tila nais tumutol ng puso niya sa pagkakaibigang iyon.

Nang biglang may marinig si Charlotte mula sa labas ng silid.
“Tita, tatawagan na lang po ako ulit.”

Matapos ibaba ang cellphone ay marahang sumilip si Charlotte sa salas. Nagulat siya nang makita niya si Rick na nakaupo sa sofa at tila lasing.

“RICK?”

Lumingon sa kanya ang binata.

“Good evening, sweetie! Natakot ba kita, sorry ha, may duplicate key ako nalimutan mo na ba?” sabay pakita ni Rick ng susi kay Charlotte.

“Alam ko, pero dis oras na ng gabi, anong ginagawa mo rito at saka, lasing ka?”
Tumayo si Rick at lumapit sa dalaga.

“H-hindi naman masyado…gusto ko lang sana makitulog dito kung pwede…”

“O sige, pero doon ka sa dating kuwarto ni Wilma ha.”

“No problem!”

Inayos pa ni Charlotte ang hihigan ng nobyo.

Malalim na ang gabi. Malalim na rin ang tulog ni Charlotte nang maalimpungatan siya dahil sa mabigat na nakadagan sa kanya.

“R-Rick?”

“Sweetie, pagbigyan mo na’ko please, sandali lang ‘to…” mahinang sabi ni Rick.

“RICK! STOP IT!” sigaw at awat ni Charlotte sa ginagawang paghalik sa kanya ng nobyo habang nakadagan ito sa kanya.

“Mahal natin ang isa’t isa, ‘di ba, bakit ayaw mo?”

“Please Rick, ‘wag mong gawin ‘to, maawa ka!”

Biglang sumalit sa isip ni Charlotte ang karanasan ni Perla sa lalaking hindi nito gusto.

“HUWAG! MAAWA KA! MAAWA KA!”

Parang flashback iyon na pilit umookupa sa kanyang isipan. At ang pangyayaring iyon ay tila nauulit lang ngayon.

“Huwag! Huwag!”

Pilit nanlaban si Charlotte. Subalit sadyang mas malakas ang mga bisig ni Rick kaysa sa kanya. Naging marahas ito at tila naubos na ang lakas ng dalaga para ipagtanggol ang sarili. Hanggang sa tuluyan siyang manghina at matalo sa labang iyon.

Nagawa ni Rick ang gusto niyang mangyari. Nakuha niya ang gusto niyang makuha sa nobya noon pa. Subalit matapos ito ay tila nahimasmasan siya nang matanggap niya ang isang ubod lakas na sampal mula sa dalaga.

“Sweetie, I’m sorry…handa naman kitang pakasalan sa lahat ng simbahan eh…”

Hindi tumugon si Charlotte. Patuloy ang mga impit na hikbi niya. Mga hikbi ng galit at pagdaramdam sa nobyo sa sapilitan nitong pagtapak sa dignidad niya.

“Charlotte, tapatin mo nga ako…mahal mo ba talaga ako?”

Nanatiling nakapinid ang mga labi ng dalaga. Sapat na iyon para maunawaan ni Rick ang tunay na nilalaman ng damdamin nito.

Sa dis oras din ng gabing iyon ay nagpasyang umalis ang binata. (Itutuloy)