Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-36 na labas

Saglit na nag-isip si Charlotte bago sumagot.

“O sige na nga, payag na’ko. Pero one day lang ha!”
“Promise! Thank you sweetheart!”

Kinabukasan din ay maagang sinundo ni Rick ang nobya. Sandali lang ang biyahe nila mula Tagaytay hanggang Batangas kaya naman maaga pa nang makarating sila.

Hindi inaasahan ni Charlotte ang daratnan nila sa bahay nila sa Batangas. Dito siya dinala ni Rick at hindi sa dating bahay nito doon. Maraming handa sa mesa na para bang siya ang may birthday. Pero hindi pa doon natapos ang sorpresa. Inaya siya ng binata patungo sa dati nilang palaruan, ang baybayin.

“Sweetheart, naalala mo ba noong maliliit pa lang tayo, dito tayo madalas maglaro!”

“Wala naman akong amnesia para makalimutan ‘yon no!” natatawang tugon ng dalaga.
Magkahawak-kamay silang naglakad.

“Napaka-espesyal ng lugar na ito para sa akin, kaya naman dito sa lugar na ito, gusto kong gawin ang isang mahalagang sandali na inaasahan kong mangyayari sa buhay ko…sa buhay nating dalawa…”

“Hindi ko yata ma-gets, ano bang tinutukoy mo?”

Binitawan ni Rick ang kamay ng dalaga at may dinukot sa bulsa ng pants niya.

“Alam kong sa pagpapakasal ni Wilma ay magkahalong saya para sa kanya at lungkot para sa sarili mo ang nararamdaman mo ngayon, dahil maiiwan kang nag-iisa…kaya naman kung pahihintulutan mo ako, gusto kong samahan ka…for the rest of your life…at ipinapangako kong hinding-hindi ka mag-iisa…”

Pagkasabi niyon ay ipinakita ni Rick ang isang singsing.

Nabigla si Charlotte. Hindi niya iyon inasahan.

“Rick…”

“Sweetheart, will you marry me?”

Tila naumid ang dila ni Charlotte. Hindi niya naihanda ang sarili. Wala siyang maisip sabihin…

“Pero Rick…hindi pa ako handa…”

Related Posts

Nanlumo ang binata sa naging kasagutan ng dalaga.

“Okay sweetie, naiintindihan ko, sorry kung nabigla kita, pero sana pag-isipan mo.”

Bago pa muling makasagot ang dalaga ay tumunog ang cellphone niya. Nag-excuse siya at bahagyang lumayo sa nobyo.

“Hello?”

“Charlotte, si Tita Gina ‘to…sorry kung naistorbo kita…si Glenn kasi…muntik na siyang magpakamatay…muntik na niyang lunurin ang sarili niya…nag-aalala ako kasi ganoon ang ginawang pagpapatiwakal ng Tito Gabriel niya!”

“Ho, k-kumusta ho siya ngayon?”

“Sa tingin ko hindi pa siya okay…pwede ka bang bumalik dito?”

“S-sige ho…”

Matapos ang pag-uusap ay muling bumaling si Charlotte sa nobyo.

“Rick, I’m sorry ha, s-si Glenn kasi …tinangka niyang mag-suicide…”

Napahugot ng malalim na buntong hininga si Rick. Sabay bato ng tingin sa malayo.“So what? Charlotte, iniwan ka na niya at ngayon bigla na lang siyang babalik sa buhay mo at heto, kung anu-anong gimik ang gagawin niya para mabawi ka niya sa akin?”
Hindi nakaimik ang dalaga.

“Charlotte, sweetie, sabi mo kailangan mo lang ng closure kaya pinayagan kitang puntahan siya sa isla na ‘yon, pero ngayon hindi na ako makakapayag!”

Nanatiling walang kibo ang dalaga. Naiintindihan niya ang nararamdaman ni Rick. Pero hindi naman niya maitanggi sa sarili na labis siyang nag-aalala ngayon kay Glenn.
Samantala. Habang nasa session ng therapy ay hindi maiwasan ni Brenda ang mag-alala kay Glenn. Habang minamasahe niya ang mga binti nito ay pasulyap-sulyap siya rito.
“Glenn, kanina ka pa walang imik, magkuwento ka naman,” ani Brenda.
“Gawin mo na lang ang trabaho mo,” mahinang tugon ng binata.

Napabuntong-hininga si Brenda.

“Alam mo hindi lang naman ikaw ang may pinagdadaanan eh, lahat ng tao may problema, mas marami pa ang mas mabigat kaysa sa’yo…pero anuman ‘yang dinadala mo, gusto ko lang malaman mo na hindi lang ako nandito bilang therapist mo, nandito rin ako bilang kaibigan.”

Tumingin si Glenn kay Brenda at malungkot ang ngiting itinugon dito.

“Salamat, Brenda, pero hindi ko kailangan ng kaibigan ngayon…gusto ko lang mapag-isa…”
Tumayo si Brenda at tiningnan sa mata ang binata.

“Okay, pero kung kailanganin mo ng makakausap, katukin mo lang ako sa kuwarto ko.”
Hindi sumagot si Glenn. (Itutuloy)