Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 562

Ika-35 na labas

“O sige, hindi na kita pipiliting sagutin ang tanong ko, basta tandaan mo lang Charlotte, palaging bukas ang bahay na ito para sa’yo…at sana maging masaya ka sa kung anuman ang magiging desisyon mo.”

“S-salamat po…” isang yakap ang isinukli ng dalaga sa kabutihan ng matanda.

Ilang araw na ang nakalipas mula nang umalis si Charlotte sa isla. At ilang araw na ring hindi nagkikikibo si Glenn. Palagi lang siyang nasa baybayin at nakatanaw sa malayo. Walang ibang laman ang isip niya kundi kung paano mababawi si Charlotte kay Rick.

“Kasalanan ko…kasalanan ko…” paulit-ulit niyang sisi sa sarili.

Tumayo siya at nagsimulang humakbang patungo sa tubig. Marahan at maliliit ang mga hakbang na iyon. Hindi alintana ang lamig, hindi alintana kung mabasa man ng tubig ang suot na damit.

Palalim nang palalim ang tubig at pataas rin nang pataas ang naaabot nito sa kanyang katawan. Hanggang sa unti-unti siyang lumubog.

Habang sumisinghap ay malinaw na nakita ni Glenn ang imahe ni Charlotte. Subalit sa pagkakataong iyon, ang nakikita niya ay si Perla at isinisigaw nito ang pangalan niya.

“GABRIEL! GABRIEL!”

Tila alalang-alala ito sa ginagawa niyang paglulunod sa sarili. Tila nais siya nitong sagipin.
Hanggang sa maramdaman niya ang mga kamay na pilit nag-aahon sa kanyang katawan.

Nang sa wakas ay muli siyang makahinga sa ibabaw ng tubig, pagod niyang ibinagsak ang katawan sa buhanginan.

“My God, Glenn, magpapakamatay ka ba?” tinig iyon ni Brenda. Bagama’t nakapikit ay para na rin niyang nakikita ang reaksyon nito.

“Glenn, Glenn, ano okay ka na ba?”
Tumango ang binata habang nanatiling nakapikit.

Matapos namang masaksihan ni Aling Gina ang pagsagip ni Brenda sa pamangkin ay gumapang ang kilabot sa buong katawan niya. Iyon kasi ang ginawang paraan ni Gabriel sa pagpapakamatay.

Nang gabi ring iyon…laman ng panaginip ni Charlotte si Glenn. Si Glenn ang nakikita niya subalit pangalan ni Gabriel ang nasambit niya.

Related Posts

“Gabriel?”
Nakita niya itong palusong sa dagat. Tumakbo siyang palapit dito.
“GABRIEL!”

Hindi lumingon ang lalaki. Nagpatuloy sa paglusong.
“GABRIEL!” muli niyang sigaw.

Bago pa siya makalapit nang husto ay nawala na sa pangingin niya ang binata.
“GABRIEEEL!”

Napabalikwas siya ng bangon. Hinihingal pa siyang luminga sa paligid. Nasa loob siya ng silid niya.“Gabriel?…” mahina niyang sambit.

Araw ng kasal ni Wilma. Sa kabila ng kasiyahang nadarama para sa kaibigan ay may bahagi pa rin ng puso ni Charlotte ang hungkag. Ginugulo siya ng mga isipin tungkol sa nakaraan.

Habang naglalakad siya sa isle bilang maid of honor ay tila sumasalit sa isip niya ang isang nakakapanghilakbot na insidente…ito ang mga tagpo habang pinagsasamantalahan si Perla.

“HUWAG! HUWAG! MAAWA KA!”

Kinilabutan si Charlotte. Lalo na nang makita niya ang isang lalaki sa pamilyar na pamilyar sa kanya na naghihintay sa altar. Ang lalaking ito ang siya mismong nanamantala kay Perla.
“No…” bulong niya sa sarili.

Habang papalapit sa altar ay lalong lumalakas ang kaba sa dibdib ni Charlotte. Ilang ulit niyang ipinikit at idinilat ang mga mata mawala lang sa isip ang nakaraang hindi naman kanya.

Sa muling pagdilat niya ay ang husband na ni Wilma ang nakita niya sa altar hanggang sa makaupo na siya sa nakalaang upuan para sa kanya.

Matapos ang seremonya ng kasal ay nilapitan siya ni Rick.
“Sweetie, okay ka lang ba?”
“O-oo naman, okay lang ako…”

“Napansin ko kasi kanina habang naglalakad ka parang masama ang pakiramdam mo?”
“Hindi…okay lang talaga ko.”

Naputol ang pag-uusap nila nang senyasan sila ni Wilma para sa picture taking.
Gabi. Magkausap sa phone sina Charlotte at Rick habang nakaharap sa computer ang dalaga.

“Invite sana kita next week sa Batangas.”
“Alam ko na, doon mo ba balak mag-celebrate ng birthday mo?”
“Oo sana…”

“Okay…check ko lang ang sched ko ha.”
“Sweetie, kailangan ko pa bang magmakaawa sa’yo?” (Itutuloy)