Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 562

Ika-34 na labas

“Tumahimik ka na nga diyan, baka marinig ka pa ni Charlotte…”

Gabi. Nasa isla pa rin si Charlotte sa bahay ng Tita Gina ni Glenn. Matapos kumain ay lumabas ng bahay ang dalaga para magpahangin at makapagmuni-muni. Nilapitan siya ni Ivan. Nabigla ito nang bigla niyang sampalin.

“Charlotte! Para saan ‘yon?” nagtatakang hawak pa ng lalaki ang pisngi niya na nasampal.

“Para sa pagbabayad mo kay Madam Liweng sa panloloko sa amin!”

“N-narinig mo?”

“Oo malinaw na malinaw!”

“Pero kita mo naman, may katotohanan naman ‘yung mga sinabi niya, ‘di ba?”

Sasagot pa sana si Charlotte nang dumating si Glenn.

“Charlotte, ako na ang humihingi ng patawad sa nagawa ni Ivan.”

Hindi na umimik ang dalaga at humalukipkip na lang. Naiiling na iniwan sila ni Ivan.

“Tara do’n tayo sa tabing-dagat?” aya ni Glenn sa dalaga.

Magkatabi silang naupo sa buhanginan at tumanaw sa madilim na karagatan.

“Anong plano mo ngayon?” tanong ni Charlotte.

“Babawiin kita sa kanya,” walang pasubaling sagot ni Glenn. Tiningnan siya ng dalaga at pagkatapos ay binawi rin nito ang tingin at ibinalik sa dagat.

“Hindi ganon kadali ‘yon…”

Related Posts

“Alam ko…pero handa na akong gawin ang lahat ngayon, honey…ipaglalaban kita…”

“Masarap sanang pakinggan ‘yan, Glenn, kung hindi pa lumipas ang panahon, marami na ang nagbago…at kabilang na doon ang puso ko.”

Hinawakan ni Glenn ang kamay ng dalaga na nakapatong sa tuhod nito.

“Iyan din ang pinaniwalaan ko dati, na nagbago na ang lahat sa paglipas ng panahon…pero nang dumating ka dito at makita kita, nasiguro kong wala pa ring nabago, nasa mga puso pa rin natin ang pag-ibig sa isa’t isa,”

binawi ni Charlotte ang kamay.

“Glenn, sumama ako dito kay Ivan para masagot ang mga tanong ko…para malaman ang mahala­gang bagay na natuklasan mo, at ngayong malinaw na sa akin ang lahat, wala na akong dahilan para manatili dito, kaya bukas na bukas din babalik na ako sa Manila.”

“Hindi pa ba sapat na nandito na ulit ako sa tabi mo at hinding-hindi na kita iiwan…”

“May nagmamay-ari na ng puso ko Glenn…at hindi ko siya kayang saktan…”

Ang binitawang salita ni Charlotte ay tila isang malaking dagok sa puso ng binata. Mabigat sa dibdib niya na tanggapin ang desisyon nito. Pero siguro nga ito ang kabayaran nang mga mali niyang desisyon noon. Sa kagustuhan niya na hindi ito masaktan sa kalagayan niya, hindi niya namalayan na doble pa ang sakit na naiparamdam niya rito. Siguro nga naging makasarili siya.

Tumayo si Charlotte at iniwan si Glenn na nanatiling nakaupo sa buhanginan.

Kinabukasan.

“Charlotte, sigurado ka na ba sa desisyon mo?” tanong ni Aling Gina habang pinapanood ang pag-aayos ng dalaga sa mga gamit niya bilang paghahanda sa pag-alis.

“Tita Gina, thankful po ako sa pagpapatuloy nyo sa akin dito…at nagpapasalamat din po ako dahil nakita ko ang isang obra na sumagot sa malaking katanungan sa isip ko, ang totoo po naguguluhan pa rin ako at hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa at mga gagawin ko, kaya lang po nasa sitwasyon ako na hindi lang sarili ko ang dapat kong isipin…may boyfriend na po ako na umaasa sa pagmamahal ko.”

Nilapitan ni Aling Gina ang dalaga.

“Mas mahal mo ba siya kaysa kay Glenn?”

Hindi nakasagot si Charlotte. Sigurado naman siya sa sarili niya na kailanman ay hindi naalis sa puso’t isipan niya si Glenn…at iba ang level ng pagmamahal niya kay Rick…pero paano ba siya makakaalis sa sitwayon na ito nang walang masasaktan? (Itutuloy)