Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-32 na labas

Isang pagmamahalan na hinayaang tangayin ng hangin saan man ito liparin. Nagpatangay sa dikta ng tadhana saan man sila nito nais dalhin. Hanggang sa muling masumpungan ang isa’t isa. Hindi maikubli ang damdaming pilit mang iwaksi ay nadarama pa rin.

“Charlotte, ang tagal kong hinintay ang sanda­ling ito…”

Abante Hiring – IT dep

“Handa ka bang sagutin lahat ng tanong ko?”

“Oo, lahat-lahat…”

Pansamantalang iniwan ni Ivan ang dalawa. Nagtungo muna ito sa resort ng tiyahin ni Glenn. Habang ang dalawa ay nagpasyang maglakad-lakad sa baybayin habang nag-uusap.

“Sigurado ka bang ayaw mo munang magpa­hinga bago tayo mag-usap?” tanong ni Glenn.

“Pagod na akong magpahinga at isipin ang sagot sa mga tanong ko kung bakit ka biglang naglaho…pagod na akong maghintay…kaya ngayong nandito ka, gusto ko na agad malaman ang lahat. At pati na rin ‘yung importante mo raw na natuklasan.”

Tumigil sa paglakad si Glenn at inumpisahang magpaliwanag.

“Akala ko kasi mangyayari ang lahat ayon sa plano nating dalawa…pero si Alicia, naging­ desperado na siya sa sakit niya…maski ako ipinagtabuyan na niya noon…kaya lang hindi ko siya maiwan sa ganoong sitwasyon…hanggang isang araw, nagpamaneho siya sa akin papunta sa tabing-dagat, gusto raw niyang panoorin ang paglubog ng araw kasama ako…pero on the way pa lang kami nang agawin niya ang manibela…gusto na raw niyang mamatay…at masaya siyang mamamatay kung kasama ako…ginawa ko ang lahat pero humantong pa rin iyon sa aksidente…aksidenteng naging dahilan ng pagkalumpo ko…ilang taon din akong naupo sa wheelchair kaya ipinasya kong lumayo na nang tuluyan sa’yo…naging desperado rin kasi ako sa kalagayan ko…nakiusap ako sa mga magulang ko at kay Ivan na ilihim ang lahat…hanggang sa unti-unti ulit akong makatayo sa wheelchair…at dito ko naisipang magpunta…”

Hindi makapaniwala si Charlotte sa mga sinabi ng binata.

“Of all the people, ako pa talaga ang hindi mo, pinaglihiman mo nang nangyari sa’yo?” umiiyak na sabi ng dalaga.

“Charlotte, maniwala ka, nagdusa ang puso ko dahil sa ginawa ko, pero nagawa ko lang ‘yon dahil ayokong kaawaan mo ako, at ayokong masaktan ka dahil sa naging kalagayan ko…patawarin mo ako…”

“Pero akala mo ba hindi ako nasaktan sa pagkawala mo sa’kin?”

“Inisip ko kasing madali mo akong makakalimutan kung galit ka sa akin…”

Related Posts

“Pero hindi galit ang naiwan sa puso ko kundi pag-aalala at pagmamahal sa’yo.”

Hindi makasagot si Glenn. Alam niya na mali ang naging desisyon niya noon.

“Kung gano’n, Glenn, anong dahilan ng pagkikita nating ito?”

Hinawakan ni Glenn ang kamay ng dalaga.

“Halika, ipapakita ko sa’yo…”

Isinama ni Glenn si Charlotte sa bahay ng Tito Gabriel niya. Pumapasok pa lang sila ay kakaiba na ang naramdaman ni Charlotte. Parang pamilyar na pamilyar sa kanya ang bawat dapuan ng paningin niya roon. Inalalayan siya ni Glenn habang pababa sila sa basement.

“Anong meron dito, Glenn?”

“Makikita mo rin…”

Nang nasa ibaba na sila ay binuksan ni Glenn ang ilaw. Nanlaki ang mga mata ni Charlotte nang bumulaga sa kanya ang malaking painting na iyon. Si Glenn at siya ang nasa painting na makaluma nga lang ang kasuotan. Hindi siya makapaniwala.

“Glenn, ipinapinta mo ba ito?” takang-takang tanong ng dalaga.

“Hindi… nakita mo naman, ‘di ba, luma na ang painting, at ang nakikita mo ay hindi tayo…ibang tao sila na nabuhay sa ibang panahon…”

“Kung gano’n sino sila?” kunot-noong tanong ni Charlotte na naguguluhan.

“Siya si Tito Gabriel, ang nakakatandang kapatid ng mommy ko…at siya naman si Perla, ang kaisa-isang babae na minahal niya…”

“B-bakit kamukha natin sila?…”

“Charlotte, baka ito na ang sagot sa mga katanungan mo…tungkol sa mga panaginip mo…”

Hindi sumagot si Charlotte…marahan siyang humakbang palapit sa painting. Nanginginig ang mga kamay niyang idinampi sa larawan ng babae roon. Sa pagdampi ng palad niya ay malinaw na rumehistro sa kanya ang babae na iyon na nakasuot pangkasal, subalit malungkot na nakaupo sa isang magarang upuan. Napapikit si Charlotte. (Itutuloy)