Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 562

Ika-29 na labas

“Siya si ang Tito Gabriel mo, o ano, hindi ba’t kamukhang-kamukha mo siya, mas kamukha mo pa siya kaysa sa daddy mo!” nakangiting sabi ng matanda.

“T-tita, sino ho ‘yung kasama niya?” wala sa tiyuhin ang pansin ni Glenn kundi mas namamangha siya sa babaeng kasama nito sa painting.

“Siya si Perla…siya ang kaisa-isang babae na minahal ng kuya ko…kaya lang malungkot ang love story nila, gusto mo pa bang marinig?”

Tumango si Glenn. Bahagyang lumapit si Aling Gina sa pamangkin na nasa harapan ng painting.

“Simple lang…isang pag-ibig na tinutulan ng tadhana…isang masayang pag-ibig na winasak ng kamunduhan…”

“Kamunduhan?”

“Oo, magnobyo na kasi noon ang dalawang ‘yan, kaso nagkaroon ng mayamang manliligaw itong si Perla, pero siyempre binasted niya kasi nga mahal niya ang Tito Gabriel mo…kaso hindi makapayag itong manliligaw…pinadukot niya si Perla at ginahasa.

Handa naman niyang pakasalan, kaya lang hindi talaga siya mahal nu’ng babae…pero dahil sa kahihiyan, napilit din ng mga magulang si Perla na pakasalan ang mayamang iyon, kaya lang sa araw mismo ng kasal niya…nagpakamatay si Perla…nagbigti siya…ano pa ba ang aasahan mo sa tiyuhin mo na labis ding nagmamahal noon…nagpakamatay rin siya tulad ng kanyang nobya…pero hindi siya nagbigti kundi nagpakalunod…ang totoo nga niyan, pinagtabi ang mga libingan nila…”

Natulala si Glenn sa kuwentong iyon.

“Hoy Glenn, nakikinig ka ba?”

“O-opo…”

“Asan na ba’ko?…ayun pinagtabi nga ang mga himlayan nila dahil ayon sa mga sulat na pareho nilang iniwan, magmamahalan sila hanggang sa kabilang buhay…hanggang sa muli nilang pagtatagpo sa kabilang mundo man o sa parehong mundo na nilisan nila…ang ibig sabihin, naniniwala sila sa reincarnation…”

“REINCARNATION PO?”

“Oo, reincarnation.”

“Tita, naniniwala ka ba do’n?”

Saglit na nag-isip si Aling Gina. Bago tumugon.

“Gusto kong maniwala, kaya lang wala pa naman akong nakikitang pruweba na totoo nga iyon!”

Hinawakan ni Glenn ang mga kamay ng tiyahin.

Related Posts

“Tita, maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa’yo na ang babaeng iyan sa painting at si Charlotte ay may iisang mukha?”

Natigilan ang matanda.

“‘Yung Charlotte na kinukuwento mo sa akin?”

“Opo, si Charlotte, ang babaeng mahal ko!”

“Teka, sinasabi mo bang reincarnation siya ni Perla?”

“Tita Gina, mula po nang maaksidente kami palagi na niya akong nakikita sa mga panaginip niya, at kahit gising siya nakikita raw niya ang imahe ko, at mga lugar na pamilyar sa kanya pero hindi pa naman niya napupuntahan!”

Hindi makapaniwala si Aling Gina. Pagkuwa’y marahan nitong hinaplos ang pisngi ng pamangkin.

“Kung reincarnation ni Perla si Charlotte…posible din bang ikaw naman ang reincarnation ng kapatid ko?”

Si Glenn naman ang hindi nakaimik.

Pareho silang napalingon kay Brenda na hindi nila namalayang nasa bungad na pala ng basement.

“S-sorry po, naistorbo ko ba kayo?”

“Hindi naman, halika pumasok ka.”

“Pasensya na ha, nakita ko kasing pumasok si ninang dito kaya sinundan ko,” nahihiyang sabi ng dalaga.

“Okay lang…” pagkasabi niyon ay nagmamadali nang lumabas ng basement si Glenn.

Tinawagan niya si Ivan.

“P’re, sigurado ka ba, o baka naman nagha-halucinate ka lang?” si Ivan sa telepono.

“Hindi tol, sure na sure ako sa nakita ko, tama si Madam Liweng! At tama rin ang kutob ni Charlotte tungkol sa aming dalawa!”

“So sinasabi mo bang reincarnation kayo ng tiyuhin mo at nung girlfriend niya?”

“Parang gano’n na nga!” (Itutuloy)