Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-27 na labas

“Malay mo may makuha tayong info sa kanya tungkol sa kinaroroonan ng ex mo!”

Nakangiting napatangu-tango si Charlotte sa sinabi ng kaibigan.

Nakumbinsi rin ni Wilma si Charlotte. Lihim kay Rick ang ginawa nilang muling pagbisita sa espiritista.

“Bes, sigurado ka ba sa gagawin natin?” kabadong tanong ni Charlotte. “Ngayon mo pa talaga ako tinanong niyan ha, dapat kanina mo pa ‘ko tinanong nu’ng on the way pa lang tayo, eto na oh, nasa harapan na tayo ng bahay ni Madam!”

Napangiti ang matanda nang makita sila. Agad silang pinatuloy nito.

“Inaasahan ko na ang inyong pagbabalik.” Anito.

“Talaga lang ha?” sagot na bulong ni Wilma kay Charlotte.

“Madam, ‘wag n’yo po sabihing alam n’yo na rin ang dahilan ng pagbabalik namin?” tanong naman ni Charlotte.

“Oo hija! Alam na alam ko!”

Nagkatinginan ang magkaibigan.

“Nakikita ko, malinaw kong nakikita dito sa baraha ko ang kanyang pagbabalik!”

Nagulat si Charlotte. Wala pa naman siyang binabanggit na anuman sa matanda lalo na ang paghahanap niya kay Glenn.

“Madam, pwede ko po bang malaman kung nasaan siya ngayon at kung kailan siya babalik?”

Hindi sumagot ang matanda. Sa halip ay nanatili itong nakatitig sa mga baraha. Tila inaaninag ang isa.

Binuklat ito at napakunot-noo.

Related Posts

“Hindi maganda ang pinagdadaanan niya, pero tama ang direksyong tinatahak niya, patungo siya sa kanyang kapalaran, sa inyong tadhana, pero ikaw, ikaw ang mahuhulog sa kumunoy kung hindi ka lilingon!”

“E Madam, pwede ho bang pakilinaw, masyado ho kasing matalinghaga, hindi ko po ma-gets?” hirit ni Charlotte.

“Kapag sinabi ko ang mismong kinaroroonan niya, para ko na ring pinakialaman ang tadhana ninyong dalawa, nandito lang ako para magbigay ng babala, mga pahiwatig. Subalit hanggang doon lang.”

Nanlumo si Charlotte pero kahit papaano ay nakasilip siya ng pag-asa sa sinabi ng matanda na nakikita nito ang malinaw na pagbabalik ni Glenn!

Palabas na sila sa eskinitang iyon.

“Bes, okay ka lang ba?” puna ni Wilma sa kawalan ng kibo ng kaibigan.

“O-Oo naman, salamat bes ha, kasi kahit papa’no nagkaroon ako ng pag-asa.”

“Naku napasama pa yata, sana pala hindi na lang kita dinala dito, kasi mas lalo lang lumala ang pag-iilusyon mo na babalik pa si Glenn,” napapakamot sa ulo na sabi ni Wilma.

Mula sa sinakyang boat marahang inilapat ni Glenn ang mga paa sa buhanginan. Inilinga niya ang paningin sa paligid. Sa lugar na ito, sa Mavulis island naisip niyang pansamantalang maglagi habang tuluyang nagpapagaling.

“Glenn are you okay?” ang bestfriend ni Glenn na si Ivan ang siyang sumundo sa kanya sa airport at naghatid mismo sa isla.

“Y-yes, dito sa island resort ng tita ko, sa tingin ko mas mapapanatag ako.”

“Well if you ask me mas mapapanatag ka sa lugar kung saan nandoon si Charlotte!”

“Stop it Ivan, nandito na tayo, I did my sacrifice para lumigaya si Charlotte, sa totoong pag-ibig na para sa kanya.”

Napakamot na lang sa ulo si Ivan. Inalalayan si Glenn sa hirap pa nitong paglalakad.

Sa lahat ng resort sa isla, ang sa pamilya ni Glenn ang pinakaluma. Subalit ito rin ang pinakamaganda. Sinalubong sila ng pangalawa sa nakatatandang kapatid ng kanyang ina. Ang Tita Gina niya na nasa 70 na ang edad.

“Glenn, alam ba ng mommy mo na dito ka tutuloy?” tanong ng tiyahin habang papasok sila sa malaking bahay. (Itutuloy)