Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 562

Ika-22 na labas

“Okay, papayag ako, pero kailangan mo munang tiyakin ang lahat, kailangan nating masiguro na hindi tayo nililinlang lang ni Alicia, mahirap na!”

Hinawakan ni Glenn ang kamay ng nobya.

“Of course naman hon, pangako hinding-hindi na tayo magpapalinlang sa kanya!”

Magkasama nilang pinuntahan ang tiyahin ni Alicia. Pinaupo sila nito sa sofa.

“Pasensya na sa abala, ang totoo hindi alam ni Alicia na sinira ko ang pangako ko sa kanya na hindi ko sasabihin ang tungkol sa sakit niya maski kanino.”

Nagkatinginan ang magnobyo. Kinuha ng matandang babae ang laman ng hawak na envelope. Mga medical record iyon ng pamangkin.

“Ito, ito ang mga medical records niya, mga xerox lang ito kasi dala niya ang mga original.”
Sinuri ni Glenn ang mga dokumentong iyon. Ganoon din si Charlotte. At muli ay makahulugan silang nagkatinginan.

“Glenn, nung una kasi pumayag ako sa plano niya na bawiin ka lang, gagawin daw niya ang lahat ng paraan, ‘wag lang sa paraan na kaaawaan mo siya dahil sa sakit niya, hindi ko nga maintindihan kung bakit mas ginusto pa niyang magpaka-desperada sa paningin mo kaysa sabihin ang totoo niyang kalagayan, pero ngayong nabigo siya, saka ako nagdesisyon na sabihin ito sa’yo, magbabakasakali ako na mapasaya mo siya sa mga huling sandali ng buhay niya.”

Hindi makaimik si Glenn. Tila nag-iisip ng malalim.

“Charlotte, hindi kita kilala, pero sa tingin ko isa ka namang mabuting babae, kaya ako na ang humihingi ng dispensa sa’yo sa mga nangyayaring ito.”

Napayuko ang dalaga.Pero agad ding nag-angat ng ulo bago sumagot.

“T-tita, ang totoo po hindi ako makapaniwala, nabigla po ako pero hayaan nyo muna pong pag-usapan namin ni Glenn ang tungkol sa bagay na ito…”

“Oo sige, hindi ko naman kayo minamadali na magdesisyon, at saka anuman ang maging pasya nyo, igagalang ko ‘yon.”

Matapos ang pag-uusap na iyon ay kawa mabigat ang damdaming nilisan nila ang bahay.
Habang sakay ng kotse ay pareho silang walang imik. Si Glenn ang bumasag ng katahimikan.

“Honey, tulad ng napag-usapan na natin bago pa tayo pumunta doon, iyon ang pasya ko, pero syempre hihintayin ko pa rin ang desisyon mo, pag-isipan mo munang mabuti.”
“Bakit, kapag ba hindi ako pumayag, hindi ka tutuloy?” tanong ni Charlotte na ang mga mata ay nanatili sa labas ng bintana ng kotse.

“Kung anong final decision mo, susundin ko, ganyan kita kamahal.”

Napahugot ng malalim na paghinga si Charlotte. Naguguluhan siya. Ayaw niyang magkalayo sila ni Glenn. Pero kailangan ni Alicia si Glenn at hindi niya maikakaila na espesyal ang naging bahagi nito sa buhay ng binata. Kaya kung magiging hadlang siya sa hinihiram nitong panahon, parang lalabas naman na kontrabida siya.

“Hon, pwede bang umuwi na lang muna tayo, don’t worry pag-iisipan kong mabuti, ng magdamag ang problemang ito at bukas na bukas din ay malalaman mo ang sagot ko.”

“Okay, pero hon, gusto ko lang sabihin sa’yo na yes or no man ang maging sagot mo, mananatiling sa’yo ang puso ko and kahit ano pang mangyari, babalik at babalik ako sa’yo.”

“Okay, sabi mo ‘yan ha!”

Maya-maya pa ay nasa harapan na sila ng condo. Bago bumaba sa kotse ay isang masuyong halik ang iginawad nila sa isa’t-isa.

Malalim na ang gabi, pero tulad ng inaasahan niya ay mulat na mulat pa rin si Charlotte. Emo na emo siya kakaisip ng tungkol kay Alicia. (Itutuloy)