Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-20 na labas

“Alam mo, Glenn, ilang beses ko nang nabasa sa mga pocketbook, napanood sa mga teleserye ang ­ganyang eksena eh, pero ngayong nangyayari na mismo sa akin, ang hirap palang paniwalaan…”

“Charlotte, maniwala ka sa’kin, hindi ako magsisinungaling sa’yo…”
Hindi kumibo ang dalaga. Umikot si Glenn sa tabi niya at kinuha ang mga kamay niya.

“Alicia is trying to win me back, at hindi ko alam kung ano pa ang mga plano niya, pero pangako iiwasan ko na siya at hindi na ako magpapadala sa mga paawa niya.”

“Okay…sige, dahil unang pagkakamali mo pa lang naman ito, pagbibigyan kita, patatawarin kita…babae rin kasi ako at naiintindihan ko ang pinagdadaanan ng ex mo.

Pero sana lahat ng gagawin mo na may kinalaman sa ating dalawa, pag-isipan mo munang mabuti.”

“Promise! Thank you, hon!”

Hindi napigilan ni Glenn na yakapin ang nobya sa sobrang tuwa.

“I love you, honey! Salamat talaga sa pang-unawa mo,” sabi pa nito.

Hindi sumagot si Charlotte. Dinama lang niya ang yakap ng nobyo.
Pag-uwi sa condo, pakiramdam ni Charlotte ay galing siya sa isang mahabang paglalakbay.

Pagod na pagod siya kanina sa kakaisip sa mga pictures at kay Glenn. Inilatag niya ang katawan sa malambot nilang sofa at ipinikit ang mga mata.

Sa pagpikit niya ay rumehistro ang isang malungkot na tanawin. Madilim at malamig na lugar na tila pamilyar na pamilyar sa kanya.

Pero sigurado siyang hindi pa niya iyon napuntahan sa tanang buhay niya. Ang bumabalot na katahimikan ay tila makapal na hamog na yumakap sa kanyang katawan.

Napadilat siya at habol ang paghingang luminga siya sa paligid.

Dali-dali siyang tumayo at kumuha ng tubig sa ref na maiinom.

Sunud-sunod ang paglagok niya hanggang sa mapawi ang uhaw at pangamba.

Maya-maya pa ay dumating na rin mula sa trabaho si Wilma.

Pinuntahan niya ito sa kuwarto at tinabihan habang busy ito sa pagpapahid ng pang­linis sa mukha.

“O ano, kumusta kayo ni Papa Glenn?” tanong nito.

“Okay na kami…”

“Okay na? Parang hindi naman.”

“Okay na nga.”

“E bakit parang hindi pa rin okay ang mukha mo? Paiyak-iyak ka pa nang tumawag ka sa’kin kanina ‘yun pala papatawarin mo rin naman agad-agad?”

“Nagpaliwanag na naman siya, saka mas papaniwalaan ko siya kaysa sa babaeng ‘yon.”
“E ‘di wow! So ano pang sinisimangot mo ngayon?”

“Naguguluhan pa rin kasi ako sa sarili ko, kahit gising ako nananaginip pa rin ako…”

“Sus, masanay ka na lang, nagkaganyan ka lang naman mula nang maaksidente ka, malamang aftershock pa rin! Or else true talaga ang reincarnation!

Mag-research ka kaya?”
Nagawa na niya dati pero muling nag-research si Charlotte tungkol sa reincarnation.

Mga taong nagpatotoo rito, mga bagay at pangyayaring may kinalaman dito at lahat ng iyon ay hindi nalalayo sa nangyayari sa kanya ngayon.

Muling naging bisita ni Glenn si Alicia sa apartment niya.

“Alicia, kung anuman ang mga pinaplano mo pa, nakikiusap ako sa’yo… ‘wag mo nang ituloy…”
“Ako ang makikiusap sa’yo, Glenn, at ito na ang huling pagkakataon na makikiusap ako sa’yo.”

Hindi sumagot si Glenn at hindi pa rin niya pinapapasok si Alicia.
“Glenn, sumama ka na sa akin sa America…ipinapangako ko hindi ka magsisisi, I will do everything para mapasaya ka.”

“Patawad, Alicia, pero buo na talaga ang pasya ko, I will stay here with Charlotte.”

Naisipan ni Charlotte na ipagluto si Glenn at balak niya itong dalhin sa opisina ng binata. Of all the people hindi niya inaasahan na makakasabay niya sa elevator ang ex-girlfriend ni Glenn na si Alicia.

“Ikaw si Charlotte, right?”
“At ikaw si…”

“Alicia, I’m Alicia Montes.”
Natigilan si Charlotte.

“Mabuti na lang at nagkita tayo, meron kasi akong gustong sabihin sa’yo nang personal,” si Alicia.

“Alam mo, alam ko na ‘yan eh, sasabihin mo na buntis ka at si Glenn ang ama, or sasabihin mong ikaw talaga ang mahal niya, ano pa ba?

F.Y.I. lang Alicia, okay na kami ng honey ko at wala akong paniniwalaan anuman sa sasabihin mo kaya ‘wag ka nang mag-aksaya ng panahon mo sa aming dalawa.”

“Mali ka, gusto ko lang naman sabihin na…ingatan mo siya…at mahalin mo nang higit sa pagmamahal ko…,” pagkasabi niyon ay bumukas na ang elevator at nauna nang lumabas si Alicia.(Itutuloy)