Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-19 na labas

“Iyan ang katibayan na nagmamahalan pa tayong dalawa, at iyan din ang susi para mabuksan ang isip mo na sarado ngayon dahil sa pagmamahal mo sa maling babae.”

“Anong sinasabi mo?”

“Naipadala ko na ang kopya ng mga picture na ‘yan kay Charlotte, and all you have to do now is pack your things and go with me.”

“Ipinadala mo kay Charlotte?”

“Yes I did.”

Nanlulumong napaupo din sa sofa si Glenn.

“Alicia, this is not you, ang Alicia na minahal ko ay mabait, may malawak na pang-unawa, but look at you now…”

“Ikaw ang unang nagbago Glenn, itinapon mo ang lahat sa ating dalawa, hindi ako sanay na may kahati sa’yo at inasahan ko ang pangako mo na susundan mo ako sa America…pero nasaan ka ngayon? Bago ka pa tuluyang maligaw ng landas, aakayin na kita pabalik sa akin, kung saan ka dapat.”

Naiiling na iniwan ni Glenn ang dalaga at nagmamadaling pinaandar ang kotse.

“GLENN SAAN KA PUPUNTA? GLENN!”

Alam ni Glenn na nasa restaurant na si Charlotte sa mga oras na ‘to kaya doon na siya dumiretso. Naabutan niyang abala ang nobya sa pagtulong kay Chef Drew sa kitchen.

“Glenn, mabuti’t dumating ka na, si Charlotte kasi eh, parang may sanib, nagtatrabaho nga pero parang wala naman sa sarili.” Ani Chef Drew na tila nabuhayan ng loob nang makita ang binata.

“Gano’n ba, sige ako na ang bahala…”

Nilapitan ni Glenn ang dalaga. Natigilan ang huli nang maramdaman ang presensya ng nobyo.

“Charlotte, may kailangan akong ipaliwanag sa’yo, but please doon tayo sa office mo?”
Walang imik na naglakad si Charlotte patungo sa office niya na nasa second floor ng restaurant.

“Sige Glenn, makikinig ako…” anang dalaga habang paupo sa swivel chair niya sa table.

“‘Yung tungkol sa picture…”

“Oo natanggap ko.” sagot ni Charlotte na nakasimangot.

“I’m sorry, pero mali ka ng iniisip tungkol do’n…tinawagan lang ako ng aunty ni Alicia para tulungan siyang awatin sa pag-inom ang pamangkin niya, it’s all because of me, kasi hindi niya matanggap na may mahal na akong iba…sinamahan ko siya that night, dahil hindi ko siya maiwan sa ganoong sitwasyon, until I get drunk at nakatulog ako, pero walang nangyari sa ‘min, maniwala ka honey…”

Nagpakawala ng malalim na buntong hininga si Charlotte bago sumagot.(Itutuloy)