Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 562

Ika-14 na labas

“P-po? Ahm, baka po may kamukha lang ako na na-meet n’yo na.”

“Siguro nga…”

“Mom, Charlotte, pupuntahan ko lang si dad,” singit ni Glenn.

“Okay, mabuti pa nga, dahil kanina pa ‘yon abalang-abala sa mga tanim niya sa garden,” nakangiting tugon ng ina.

Saglit na nagkuwentuhan ang dalawang babae habang wala pa si Glenn. Sa kabila ng kabang nara­ramdaman ay pilit ipinanatag ni Charlotte ang loob sa ina ng lala­king minamahal.

Matapos maka-bonding ang mga magulang ni Glenn, kinabukasan din ay sa Batangas naman ang next destination nila para maipakilala rin si Glenn sa mga magulang naman niya.

“Wow! Ang sarap ng hangin dito!” si Glenn habang binabagtas nila ang daan patungo sa bahay ng mga magulang ng dalaga.

“Walang kasing sarap, siguradong mag-e-enjoy ka lalo na sa tabing-­dagat, walking distance lang sa’min!” pagmamalaki pa ni Charlotte.

Huminto ang sasakyan nila sa tapat ng isang malawak na bakuran ng mga Avellana. Puno ng mga halaman at bulaklak ang paligid. Sinalubong agad sila ng tatay ng dalaga na si Mang Cholo. Nasa edad 60 na ito.

“Mano po, ‘tay! Si Glenn po, boyfriend ko.”

“A siya ba, mahilig ka talaga sa Glenn ano,” biro pa ng ama ni Charlotte.

“Si tatay talaga!” kunwa’y inis ang dalaga sa biro nito.

“Magandang umaga ho Tatay Cholo!” nagmano rin ang binata rito.

“Magandang umaga naman, e halina kayo sa loob at ipinagluto kayo ng nanay mo ng paborito mong ulam, sinigang na baboy sa bayabas!” ba­ling pa ni Mang Cholo sa anak.

“Talaga po? Naku ang sarap no’n!” ani Charlotte habang papasok sila sa konkreto at may kalakihan ding bahay ng mga Avellana.

Matapos kumain ay nilapitan ni Charlie si Glenn habang magka­tulong ang mag-inang Charlotte at Clara sa pagliligpit ng pinagkainan.
“Alam mo, Glenn, ‘yang kapatid ko ay minsan na ring pinaluha ng da­ting Glenn sa buhay niya dahil sa pagkamatay nito,kaya sana naman hindi na ito maulit sa pagkakataon mo, sa ibang paraan…dahil oras na mangyari ‘yon, ako mismo ang makakalaban mo!” pasimpleng banta ni Charlie na inakbayan pa ang binata.

“Wag kang mag-alala Kuya Charlie, hinding-hindi ko paluluhain si Charlotte at wala akong ibang gagawin kundi ang mahalin siya.”

Maya-maya pa ay inaya ni Charlotte si Glenn na maglakad-lakad muna sila sa dalampasigan.

“Napakaganda ng view dito ano, madalas ka ba rito nu’ng maliit ka pa?” tanong ni Glenn sa nobya na kahawak kamay niya sa paglalakad.

“Oo naman! Nu’ng grade school pa lang ako, si Rick ang madalas kong kasama rito na naglalaro, siya kasi ‘yung bestfriend ko dati, actually­ hanggang ngayon pa rin naman kahit matagal kaming nagkalayo dahil lumipat sila ng lugar, bff pa rin ang turing namin sa isa’t isa, then nu’ng mag-high school naman ako, si Wilma na ‘yung parati kong kasama at naging bff ko rin hanggang sa pareho na nga kaming magkatrabaho sa Maynila at magkasama sa iisang condo.”

“Ah.”

Huminto sila sa paglalakad at nagpasyang maupo sa buhanginan.

“Tingnan mo, hindi natin namalayan, papalubog na pala ang araw!” si Charlotte.

“Oo nga, ang sarap panoorin ng sunset, lalo na at katabi mo ang mahal mo” sabay tingin ni Glenn sa dalaga.

“Asus! Magpakilig daw!” kan­tiyaw ni Charlotte.

“I’m just telling the truth, kung kinilig ka, hindi ko na kasalanan ‘yon,” natatawang sabi ng binata.
“Pero alam mo, kapag binabalikan ko ang nangyari sa’tin, parang hindi pa rin ako makapaniwala na eto na tayo, nandito na tayo sa chapter ng buhay natin na magkasundo at magkasama…at nagmamahalan…”

Kinuha ni Glenn ang kamay ng dalaga at masuyong hinagkan bago ito sumagot.

“Hindi rin ako makapaniwala, pero masaya ako dahil dito tayo dinala­ ng aksidente, ng tadhana ­natin…teka, naniniwala ka ba talaga sa reincarnation?”

“Naniniwala ako, pero reincarnation man o hindi, mas gusto kong paniwalaan na ikaw at ako ay para talaga sa isa’t isa!”

“Talaga? Ibig sabihin, kung sakali man na hindi totoo ‘yung sinabi ni Madam Liweng, kung nagsisinu­ngaling lang siya, okay lang ba sa’yo, hindi ka magagalit sa kanya?”

“Bakit, binayaran mo lang ba siya para magsabi ng isang kasinungalingan tungkol sa nangyayari sa’kin?” kunot-noong tanong ni Charlotte.

“H-ha? Hindi ako! I mean hindi ko magagawa ‘yon, bakit ko naman gagawin ‘yon?”

“Mukha naman siyang nagsa­sabi ng totoo eh, pero ‘wag na lang natin ‘yong pag-usapan, ano kaya kung mag-stay tayo rito ng kahit one week lang? Na-miss ko kasi talaga ang lugar na’to eh!”

“One week?” gulat na tanong ni Glenn. (Itutuloy)