Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-11 na labas

“Pero madam, si Charlotte lang po ang nakaka-experience ng idinulog namin sa inyo, bakit ako hindi?”

“Dahil nahihimlay pa ang kamalayan ng isa pang kaluluwa, at gigising ito sa takdang panahon.”

Makahulugan ang muling pagtatama ng pani­ngin nina Glenn at Charlotte. Parehong tila hindi makapaniwala.

Matapos ang pakikipag-usap sa espiritista ay bumalik na sila sa kotse.

“Glenn, naniniwala ka ba sa sinabi ni Madam Liweng?”

“Ewan ko, naguguluhan ako kaya lang, paano niya nalaman ang sadya natin kung walang katotohanan sa mga sinabi niya?”

“Kung mapapahamak tayo kapag naghiwalay tayo ng landas, ibig bang sabihin no’n kailangan nating magkatuluyan?” kunot-noong tanong ni Charlotte sa lalaki.

Napangiti si Glenn.

“Don’t worry Charlotte, hindi naman natin siguro kailangang magkatuluyan, basta ang importante nandito tayo lagi para sa isa’t isa, at least we’re friends. Pero kung tayong dalawa pa rin sa huli ang magkatuluyan, I think it’s our destiny.”

Napangiti na rin si Charlotte.

“So pa’no, titiisin ko na lang ba ang pagsakit-sakit ng ulo ko at ang mga panaginip ko kasama ka?”

“But, you can share it with me anytime!” natatawang sabi ni Glenn.

Malalim na ang gabi pero mulat na mulat pa rin si Charlotte. Laman ng isip niya ang lakad nila ni Glenn kanina. Dahil dito lalong gumulo ang isip niya.

At tila hindi na lang ito dahil sa mga pana­ginip at pagkakataong sumasalit sa isipan niya ang binata, kundi dahil sa damdaming nagsisimulang umusbong sa puso niyang isinara na niya mula nang mamatay ang dating nobyo.

Mahigpit na niyakap ni Charlotte ang unan. Inihanda na niya ang sarili sa pagtulog kahit hindi pa siya inaantok.

Maya-maya pa ay tuluyan na ring nakatulog ang dalaga. At muli ay nakasama niya sa pana­ginip si Glenn.

Sa luma nitong kasuotan ay hinawakan nito ang kamay niya at inaya siyang tumakbo sa isang mala-paraisong hardin ng mga bulaklak. Sa pagkakataong ito ay masaya ang mukha ni Glenn. At ganoon din siya.

Tumakbo sila nang tumakbo hanggang sa kusang huminto ang binata upang mahiga sa damuhan. Tinabihan niya ito at magkasabay silang tumingala sa lawak ng kalangitan. Pagkatapos ay tinitigan nila ang isa’t isa na para bang wala nang katapusan ang mga sandaling iyon. Mga titig na nag-aanyaya ng isang halik. Subalit bago pa maglapat ang kanilang mga labi ay…

“CHARLOTTE!” si Wilma.

Tila naalimpungatang napabalikwas ng bangon si Charlotte.

“Bes, ano ba?”

“Anong ano ba? kanina pa umiiyak ang alarm clock mo, wala ka bang balak pumasok?”

Napatingin si Charlotte sa alarm clock. 7:00 a.m. na ng umaga.

“OMG!”

“O ngayon, OMG, siguro napanaginipan mo na naman ang Glenn mo, no?”

“Nakakainis ka nga eh, pinutol mo ang pana­ginip ko, malapit na eh!” reklamo ng dalaga.

Related Posts

“Hala, anong malapit na ang sinasabi mo diyan? Nagse-sex ba kayo sa panaginip mo?”

Hinampas ni Charlotte ng unan ang kaibigan dahil sa sinabi nito.

“Grabe ka, bes, ha! walang gano’n!”

“O, e ano, ‘wag mong sabihing nai-inlove ka na kay Glen dahil sa pana-panaginip na ‘yan!” panunukso pa ni Wilma.

Tumayo si Charlotte at humarap sa half body mirror.

“Sa ngayon hindi pa… pero tingin ko malapit na talaga akong ma-inlove sa kanya kapag hindi pa ako tinantanan ng mga panaginip na ‘yon!” sabi ng dalaga habang kaharap ang sarili sa salamin.

Office.

“Tol, good news ‘yan para sa’yo, kasi kapag pinaniwalaan ni Charlotte ang sinabi ni Madam Liweng, malamang hindi na ‘yon humiwalay sa ‘yo!” ani Ivan na nakaupo sa harap ng table ni Glenn.

“Teka nga muna, may kinalaman ka ba rito?” kunot-noong tanong ni Glenn.

“E ‘di ba nga ako ang may kakilala do’n sa espiritista?”

“Bukod doon?”

“Oo na, oo na, binayaran ko si Madam Liweng para papaniwalain kayo na reincarnation nga kayo ng dalawang taong nagmamahalan mula sa nakaraan! Pabor naman sa’yo ang ginawa ko, ‘di ba?”

“Sabi ko na nga ba, tsk,tsk!” napapailing na sabi ni Glenn.

“Glenn, ‘wag ka nang magalit sa’kin, ngayong inamin ko na, ikaw naman ang umamin sa’kin, gusto mo siya, ‘di ba?”

“Sabihin na nating gusto ko nga siya…”

“Kung gano’n wala ka nang problema, dahil paniniwalaan niya ang sinabi ni Madam Liweng at siguradong mai-inlove na siya sa’yo dahil do’n! natulungan ko na siyang maka-move on sa ex niyang dead na, matutulungan pa kitang maka-move on kay Alicia, ‘di ba?”

“Alam mo, umalis ka na nga sa harapan ko, daig mo pa ang writer kung magpaikot ka ng mga tao.”

“Sige, alis na’ko nandito lang ako sa labas ha!” nakangiti pang bumabay si Ivan sa kaibigan.

Hindi tuloy malaman ni Glenn kung sasabihin ba ang totoo kay Charlotte o hahayaan na lang ito. Sigurado kasing magagalit ito kay Ivan at lalong gugulo ang isip nito.

“Ivan, masasapak talaga kita!” inis na bulong ni Glenn sa sarili.

Restaurant. Ganado sa pagtatrabaho si Charlotte. Ang mga panaginip na dati’y nagpapagulo sa isipan niya ngayon ay dahilan na ng kanyang pagngiti.

“Wow naman, ngiting inlove ‘yan ha!” puna ni Chef Drew kay Charlotte habang naghihiwa ito ng mga rekados.

“Hindi naman, soon pa lang.”

“Gano’n na rin ‘yon! teka, sino ba itong masuwerteng guy na nagpatibok ulit ng puso mo?”

Saglit na itinigil ni Charlotte ang ginagawa at tumingin sa chef.

“Another Glenn in my life…”

“Hmm, parang reincarnation lang ni Glenn mo gano’n ba?” (Itutuloy)