Una sa Balita

Yeng, Jona, Nyoy, Dasuri salpukan sa ‘Your Moment’

0 356

Muling magsasalpukan ang top five na singing acts at top five na dancing acts sa talent-reality competition na “Your Moment” sa mas pinainit na kumpetisyon kung saan makakasama nila ang sampung haligi ng industriya para tulungan silang umabante hanggang dulo.

Sa “Moment of Power,” ang yugto bago ang finale, ginamit na ng iba’t ibang acts ang kanilang kapangyarihang pumili ng celebrity mentor na tutulong sa kanilang pagandahin ang kanilang performance.

Hangad ng highest-scoring singing act na Juan Gapang ng Bacolod at Manila na pag-eksperimentuhan pa ang kanilang tunog sa paggabay ng music producer na si Marcus Davis, samantalang gusto namang palawakin ng Verse Band ng Las Piñas ang kaalaman nila sa iba pang genre kasama si Nyoy Volante.

Mas ile-level up naman ng Cainta trio na Lez 2 Men, Parañaque duo na Keren and Mark, at kiddie singers na Glitters ang pagpapabilib sa mga hurado sa tulong nina Randy Santiago, Yeng Constantino, at Jona.

Hindi naman magpapakabog ang fusion dance group na Fabulous Sisters mula Japan na piniling matuto mula sa stage director at choreographer Andy Alviz.

Samantala, magtatambal ang mega dance crew na Ruthless Comrades mula Taytay, Rizal sa multi-awarded dance coach na si Vimi Rivera at ang Bulacan street group na Kenyo Street Fam sa artistic director ng The Philippine All Stars na si Lema Diaz para makapagbigay ng makapigil-hiningang performances.

Bagong kaalaman naman ang gagamitin ng Tarlac urban dance duo na Guillermo & Chris Duo at Cebuano belly dance group na Angel Fire mula kina K-pop dance sensation and choreographer Dasuri Choi at dancer-choreographer at TV director na si Joane Laygo para umangat sa kumpetisyon.

Sa “Moment of Power,” sasalain ang lahat ng acts para matira ang top three sa pagkanta at top three rin sa pagsayaw na aabante sa finals.

Aling acts at kani-kaninong moments ang kikinang para kina Billy Crawford, Nadine Lustre, at Boy Abunda? Abangan ang mga nakakamanghang performance sa “Your Moment”, Sabado at Linggo ng gabi sa ABS-CBN. (Dondon Sermino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More