Una sa Balita

Yellow bogeyman

0 531

Isa na namang maling impormasyon ang ikinakalat ng brigadang dilawan.

Kamakailan ay nagtext blast sila para hikayatin ang publiko na tulungan si Vice President (VP) Leni Robredo dahil daw “150 million is circulating” upang siguruhin na mananalo si Bongbong Marcos sa kanyang protesta ng resulta ng Halalan 2016.

Gasgas na itong istilo na ito ng paghahasik ng maling impormasyon.

Una sa lahat, sino naman ang magkakainteres na gumastos ng kahit isang sentimo para impluwensyahan ang boto ng mga miyembro ng Korte Suprema kung ang isyu lang naman ay dapat bang pahintulutan o hindi ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na ipagpatuloy na ulitin ang pagrerebisa ng 80% ng mga balota na pinoprotesta ni Bongbong Marcos?

Ayon sa patakaran ng PET, maaaring pumi­li ang nagre­reklamo ng sampol ng mga presinto o lugar na gusto niyang isailalim sa rebisyon. Kung malalaman pagkatapos nito na ang mga botong natanggap ng kandidato ay hindi nagbago, puwede nang ipatigil ng PET ang rebis­yon at ang kaso.

Ibig sabihin, maantala man ang desisyon ng mga miyembro ng Korte Suprema, hindi puwedeng ideklarang Vice President si Bongbong Marcos sa puntong ito.

Mahalaga lang na malaman nila/natin kung ititigil na ba o itutuloy pa ang rebisyon. Kaya ano man ang luma­bas na desisyon ay hindi maaalis sa pagka-VP si Leni Robredo.

Pero iba talagang mag-isip ang mga yellow turd. Wala na kasi silang materyal na katotohanan na maipukol kay Presidente Duterte. Ngayon ipinagkakalat nila na gusto niya diumano na umupo bilang VP si Bongbong Marcos para diumano ay makapagbitiw na siya sa pagkapangulo.

Alam ni Presidente Duterte na inihalal siya para magsilbi sa bayan ng anim na taon. Kahit na nababanggit niya minsan na gusto na niyang bumalik sa Davao, alam niya na hindi niya ito puwedeng gawin maliban na lang kung siya ay mamatay, magkaroon ng malubhang sakit, ma-impeach, o magbitiw.

Pero bakit nag-iimbento ng kuwento ang mga yellow turd na ‘yan? E kasi nga, wala na silang maisip na isyu.

Hindi ko ibinoto alinman kina VP Leni at Bongbong Marcos, pero hindi posible na magdesisyon ang PET pabor kay Bongbong. Bakit? Dahil kapos na sila sa oras. Tatlong taon ang ginugol sa pag-uulit ng pagbibilang ng 20% ng mga balota. Kung ganu’n, 12 taon ang kailangang italaga para tapusin ang 100% ng mga balota.

Makontento na dapat ang mga yellow turd na VP si Leni. Tigilan na nila ang paggamit kay Bongbong Marcos na bogeyman para lituhin ang mga tao at mag-udyok ng gulo. Baka sa bandang huli ay mangyari ang kabaligtaran ng gusto talaga nilang mangyari.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy