Una sa Balita

Yasay nagpiyansa ng P.2M

0 279

NAGPIYANSA sa Manila Regional Trial Court Branch 10 si dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay sa apat na bilang niyang kasong paglabag sa Republic Act 8791 o mas kilala bilang General Banking Law at Republic Act 7653 o New Central Bank Act.

Ang piyansa ay para sa kanyang pansamantalang paglaya habang nililitis ng husgado ang kanyang kaso at nagtakda si Judge Danilo Leyva ng Manila RTC ng P60,000 bawat bilang ng kasong kriminal, na umabot sa P240,000.
Si Yasay ay isinugod sa Manila Doctor’s Hospital kagabi matapos dumanas ng paninikip ng dibdib.

Sa record ng korte, si Yasay ay sinasabing lumabag sa General Banking Law at New Central Bank Law makaraang maugnay sa sabwatan sa iba pang opisyal ng Banco Filipino para makapangutang ang Tierrasun Inc. ng P350 milyon.

Mariing itinanggi ni Yasay ang alegasyon dahil wala pa aniya siya sa Banco Filipino nang maganap ang sinasabing sabwatan.

Una nang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-Warrant Service Section at CIDU si Yasay sa kanyang bahay sa Unit 4905 Milano Residences, Century City Road, Barangay Poblacion, Makati City sa pangunguna ni PLt Glensor Vallejo, hepe ng WSS.

Nabatid na bago ang pag-aresto kay Yasay ay pumunta sa MPD dakong alas-11 nang umaga si Atty. Jonn Irvin Velasques, kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas at humingi ng police assistance para sa implementasyon ng warrant of arrest sa nabanggit na lugar.

Ayon sa mga record, noong 2001 hanggang 2009 si Yasay at lima pang associate at mga opisyal ng Banco Filipino Savings and Mortgages Bank ay nagsabwatan para makakuha sa Banco Filipino ng loan na aabot sa P350 milyon para sa Tierrasud Incorpora­ted na may bahaging ginarantiyahan ng isang real properties na pag-aari ng Tropical Land Corporation.

Nang payagan ang loan, lahat ng akusado ay nabigo na ireport ang loan para sa superbisyon ng BSP. (Mina Aquino/Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy