Una sa Balita

Yap, Norwood, Belga muling pipinta sa RoS

By
0 307

Laro Ngayon:
(Passi City, Iloilo)
5:00 pm – TNT vs. Rain or Shine
 
SA unang pagkakataon, magde-debut na sa PBA Governors’ Cup ang Rain or Shine.

Balik na rin sa RoS ni coach Caloy Garcia sina Gilastopainters Gabe Norwood, Beau Belga, Raymond Almazan, Maverick Ahanmisi, Chris Tiu at James Yap.

Ipinahiram ng Elasto Painters ang anim para bumuo sa core ng Team Pilipinas na isinabak ni coach Yeng Guiao sa 2018 Asian Games sa Indonesia. Nag-fifth sa Jakarta ang Pilipinas.

Tinapik ni Guiao si Garcia bilang assistant sa Asiad, at sa dalawang laro ng Nationals sa se­cond round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers. Hindi na naglaro sa FIBA joust sina Yap, Ahanmisi, Tiu at Almazan.

Bagong coach at bagong import ang haharapin ng Painters sa TNT sa dayo ng Petron Saturday Special match sa Passi City, Iloilo mamayang hapon.

Si Bong Ravena na ang head coach ng Texters kapalit ni Eric Gonzales na humawak sa team bilang interim coach nang kontakin ang 118-114 panalo kontra Columbian Dyip noong Setyembre 2.

Pagkatapos ng 1-4 start ng bigating TNT sa season-ending confe­rence, nag-file ng indefinite leave si dating head coach Nash Racela.

Ibinalik din ng Texters si Marqus Blakely para maging pangatlong import pagkatapos nina Mike Glover at Stacy Davis. Pagkatapos ng conference debut ng TNT, pinasibat si Glover, ipinalit si Davis na hindi rin naiangat ang team kaya pina-exit pagkatapos ng Columbian game.