Una sa Balita

Yankees hiniya ng Astros

0 1

Pinaglaruan ni Dallas Keuchel ang New York Yankees sa Houston.

Sampung batters ang na-strike out ni Keuchel sa seven scoreless innings para itulak ang Houston Astros sa 2-1 panalo sa AL (American League) Championship Series opener nitong Biyernes.

Apat na hits lang ang nakalusot kay Keuchel, lahat singles pa, ay may isang walk.

“Late movement – he moves the ball and he commands it well,” obserbasyon ni first baseman Greg Bird ng Yankees sa mga bato ni Keuchel.

Pumalo ng RBI singles sina Carlos Correa at Yuli Gurriel sa fourth mula kay Yankees ace pitcher Masahiro Tanaka, nakuryente at na-out ni left fielder Marwin Gonzalez si Bird sa plate habang sumusubok umiskor sa two-out single ni Aaron Judge sa fifth.

Galing kay Bird ang isang homer ng New York nang paliparin ang bato ni Ken Giles habang may two outs sa ninth. Pagkatapos nito ay na-strike out ng closer na si Giles si pinch-hitter Jacoby Ellsbury.

Natakasan ni Giles ang two-out jam sa eighth nang ma-strike out din si Didi Gregorius. Pumukol si Giles ng season-high 37 pitches.

Nasa isang Championship Series ang Houston sa unang pagkakataon sapul nang talunin ang St. Louis noong 2005.

Sa Game 2 sa Linggo (Manila time), isasalang ng Yankees si Luis Severino, naka-iskedyul namang bumato ng kanyang 18th playoff start si Justin Verlander para sa Astros.