Una sa Balita

Wow men, Xiamen!

By
0 141

Daan-daang mga flight, internatio­nal at domestic, ang napilitang i-cancel at naapektuhan nang pagsadsad at pag-balagbag ng Xiamen Air Flight MF8667 noong Agosto 16. At kahit nga mga 36 oras lang isinara ang Runway 06/24 ng ating paliparan, halos 30,000 na biyahero ang naapek­tuhan at na-stranded sa Terminal 1, 2 at 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Hindi natin mapulaan ang nangangasiwa sa airport sa tinahak nilang pagkilos sa pag-alis ng dambuhalang eroplano, lalo pa’t pinahirap ito ng lagay ng panahon at kondisyon ng paligid. Kung may masasabi man tayo, ay nagdulot sana ito ng aral nang sagayon, huwag naman sana, na magkaroon ng kaparehong aberya ay mas mabilis itong malulunasan.

Wala naman tala­gang may gusto sa nangyari, ngunit muli nitong ipinakita ang kahinaan at kakulangan natin sa larangan ng paliparan. Una na nga rito ang katotohanang sa kabila ng mga bago at ipinaa­yos nating mga terminal, ay nag-iisa pa rin ang ating runway para sa mga malalaking eroplano na ginagamit sa mga international flight. Ayan nga at biglang hindi ito magamit at wala na ngang magawa kundi antayin na muli itong mabuksan.

Hindi naman nga­yon lang nagkaroon ng ganitong pangyayari sa ating airport. Mula 1980, ika-pito na ito sa mga malalaking aksidenteng naganap sa paliparan. Noon pa man ay nakita na ang pangangailangan sa isa pang runway, kundi ay bagong airport na ka­yang mag-serbisyo ng maraming mga flight at eroplano.

Dekada ‘90 pa lang ay itinutulak na ni dating Senador Ramon Revilla, Sr. at noo’y Gobernador Bong Revilla, Jr. ang pagsasaayos at pag-convert ng Sangley Point sa Cavite City para maging isang airport na idurugtong sa NAIA.

Hanggang ngayon ay plano pa rin ito.

Kung noon pa ma’y naaksiyonan at ngayo’y nakatatag na ito, sana ay napakadaling na-i-divert ang mga apektadong flight at hindi masyado nagambala ang mga mananakay at publiko. Kaya nga ngayon, hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa para gumawa ng ikalawang runway, o ‘di kaya’y panibagong airport.

Kailangan naman, panagutin din ang nasa likod ng mala­king a­beryang ito. Nauunawaan natin na may striktong proseso na kailangang obserbahan at sundin ang mga kinauukulan, ngunit dapat, pagkatapos ng lahat, dapat may managot.

Halos 30,000 ang naapektuhan at hindi na natin matutubos ang nawalang mga oras, pagod, at oportunidad na kaakibat nito. Halos isang lingo ang inabot bago bumalik sa normal ang operasyon ng airport, at ang ibang mga flight naman na na-cancel ay sa Oktubre­ pa na-i-rebook. Habang maganda na agad humingi ng paumanhin ang Xiamen Air, huwag naman sanang hanggang ‘sorry’ na lang. ‘Pag ganun kasi ang nangyari, talagang mapapa-‘Wow men!’ ka na lang.