World leaders napanganga sa husay nina Lani, Jed, Darren

By

Bravo, Philippines, world-class ka talaga! Isa lamang ito sa libo-libong reaksiyon ng netizens sa grand production number sa Gala Night ng ASEAN 2017.

Talaga namang mapapa-OMG ka sa ipinakitang talento ng ating Pinoy artists hindi lamang sa lara­ngan ng pagkanta, kundi maging sa larangan ng pagsayaw ng hip hop, ballet, tap dance, folk dance pati na rin ang pagtugtog ng banda, violin, ukulele at kung ano-ano pa.

Nakanganga talaga ang world leaders lalong-lalo na si US President Donald Trump na talagang itinaas pa ang kamay at tumayo in jubilance sa kanyang nasaksihan. 

Kilala pa naman si Mr. US President bilang very appreciative ng arts, beauty and culture dahil ilang taon din nitong hinawakan ang franchise ng Miss Universe, devah?

Umalingawngaw ang nakakalokang boses ni Lani Misalucha na talaga namang ‘ipinagyabang’ sa mundo ang kakaibang range ng kanyang boses – be it pop, opera o standard. 

Siyempre, ‘di rin nagpahuli ang high-pitched na si Jed Madela­ pati na rin ang mga biriterang sina Jona, Elha Nympha at maging si Darren Espanto kasama ang iba pa nating world-class singers.

Goosebumps kung goosebumps ang naramdaman ng netizens na umaani na ng libong shares at views ang live recorded video­ nito sa social media.

Naku, ang iba sigurong world leaders lalo na ‘yung galing sa mayayamang bansa ay natutulala na lang sa akala nilang Third World country maging sa talents, noh!

Excuse me, huh!

Sa totoo lang, maging ang mga afam na pinanood ang video ay talaga namang saludo sa ating bansa.


Mayroon pa ngang nagsabi na dapat daw ay napanood ito ni Simon Cowell na kilalang ‘masyoray’ pagdating sa paghuhusga ng mga singers sa mga singing competitions.

Pero, sa totoo lang, ang isa sa popular demand ng mga utaw na sana raw ay nag-perform para kumpleto na ang pagpapaandar ng ating bansa ay ang Miss Saigon na si Lea Salonga.

Mayroon ding nagtanong kung bakit wala sina Martin Nievera, Gary Valenciano at Sarah Geronimo.

Ayon naman sa iba, okey na ‘yung nakita nila dahil kung nandu’n pa ang isa, aba, parang show na lang daw ng ASAP ang nangyari. 

Marami pa naman tayong ibang untapped talents na dapat ring ma-recognize.

Ang importante, naipamalas natin sa buong mundo na hindi tayo pipitsuging bansa, na napatunayan naman natin ito sa iba’t ibang larangan.

‘Yun nga lang, iba talaga kung ang audience ko ay ang mga kapita-pitagang world leaders.

Hashtag Jon hindi galit sa nag-wish na mamatay na siya

Noong Lunes ay inabangan namin ang pasabog ni Vice Ganda sa It’s Showtime kung siya ba ay muling manggigigil sa isang netizen na nag-wish nga na sana ay si Jon Lucas na lang ang namatay kaysa ang yumaong si Franco Hernandez.

Nasa New Zealand pa lang si Vice ay nagbanta na nga siya na ipapahanap niya at gusto niyang makaharap ang netizen na bastos at tinawag pa niyang hayup at demonyo.

Pero, natapos ang buong show na walang pagbubungangang nangyari mula sa The Unkabogable Star at sa halip nagbigay payo na lamang ito sa mga bashers, at negang netizens. May sundot man siya, pero sa tonong bait-baitan na.

Maging si Jon Lucas ay ay hindi nagpakita ng anumang galit sa netizen. Sinabi na lang niya na hindi pa naman siya mamamatay dahil may misyon pa siya sa mundong ito at marami pa siyang dapat pasalamatan sa anumang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Pinakiusapan din niya ang netizens na huwag nang i-wish ang nasabing basher­ na sa kanya dapat mangyari ito dahil hindi ito magandang reaksiyon. 

Pakiramdam pa nga niya ay may mga taong ginagamit ang ­basher na iyon upang galitin sila at siraan ang kanilang mood at ma-stress sila lalo.

Hindi raw magtatagumpay ang mga nasa likod nito, dahil deadma na rin siya sa isyu.

Oo nga naman!

SHARE