Una sa Balita

World Cup magkakaroon ng bagong hari

0 336

BAGONG kampeon na ang kokoronahan pagkatapos ng FIBA World Cup sa China.

Talsik sa trono ang Team USA, lumasap ng sorpresang 89-79 upset loss sa France sa quarterfinals.

Sina Rudy Gobert at Evan Fornier ang nagsabwatan para kumpletuhin ang unang panalo ng Les Bleus sa world No. 1 US.

Uuwi ang Americans na wala na sa mga kamay ang titulo na hinawakan nila sa huling dalawang edisyon ng torneo.

Lilipat ng Beijing ang France kasama ng Argentina, Spain at Australia para pagrambulan sa semifinals kung sino ang bagong magtataas ng Naismith Trophy.

Haharapin ng Les Bleus ang Argentines na naglista rin ng sariling upset nang sibakin ang Serbia 97-87 sa Dongguan din.

Sa kabilang bracket ang Spaniards at Australians.

Sinikwat ng Boomers ang tiket pa-Beijing sa bisa ng 82-70 panalo sa Czech Republic sa Shanghai. Nakasiguro na ang Australians ng best-ever finish sa kumpetisyon.

Unbeaten din sa anim na laro ang Spain, sinipa sa quarters ang Poland 90-78.

Sa apat na nasa kontensiyon pa, Argentina at Spain lang ang nakapag-uwi na ng Naismith Trophy. Hari ang South Americans sa inaugural edition ng torneo noong 1950, itinaas ng Spaniards noong 2006 nang huling ganapin ang event sa Asia.

Ngayong araw magsisipaan sa semis, kokoranahan ang bagong kampeon sa Wukesong Arena sa Linggo, Sept. 15. (VE)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy