Una sa Balita

World Cup champion France, Pinoy ang goalkeeper

0 500

Nagkampeon sa 2018 World Cup sa Russia ang bansang France matapos talunin ang Croatia sa iskor na 4-2.

Subalit hindi lang mga Pranses ang nagbubun­yi sa ikalawa nilang kampeonato sa loob ng 20 taon, kundi ang isang Filipino na isa sa tatlong goalkeeper ng national soccer team “Les Bleus.”

Si Alphonse Areola ay isa sa bumubuo ng “Rainbow Team” ng France dahil ang mga manla­laro nito ay galing sa iba’t ibang panig ng mundo.

Si Areola ay ipinanganak sa Paris noong Pebrero 27, 1993 pero ang magulang niya ay parehong mga Filipino.

Ang 25-anyos na goalkeeper ay nakapag-asawa naman ng Filipino-Lebanese na si Marrion Valette Areola kung saan mayroon na silang da­lawang anak.

Nagsimula siyang maglaro bilang field player subalit kalaunan ay ipinosisyon si Areola bilang goalkeeper dahil sa taas nitong 6’4.

Naging kinatawan si Areola ng France sa iba’t ibang kompetisyon, kabilang na ang FIFA U-20 World Cup noong 2013 kung saan nagkampeon ang koponan.

Sa larangan ng professional match, naglaro ito sa RC Lens Club noong 2013 bago lumipat sa Villareal, isang soccer team ng La Liga sa Spain.

Noong 2016, lumipat naman ito sa Paris Saint-Germain (PSG), isang team na kabilang sa Ligue 1 ng France, kung saan naglalaro ang pinakamahal na player sa mundo, ang ­Brazilian na si Neymar.