Una sa Balita

Work from home keri na ba ng mga Pinoy?

0 563

Matinding trapik, mahabang pila sa MRT, stress sa opisina at kapos na pasahod.

Ito ang mga dahilan na nagtulak kay Jenny Longa, dating call center agent, at sa ilan pang manggagawang Pinoy para lisanin ang kanilang trabaho at pasukin ang home based job.

Para kay Jenny na pinasok ang pagiging online teacher, ibang-iba ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho nang hindi pumupunta sa opisina, “Worth it. Kasi hindi ko na kailangan pang gumising ng sobrang aga para i-anticipate ang 1-2 hours na byahe kasabay pa ang traffic sa Manila. Hawak ko ang oras ko. Pwede ding mas malaki ang kinikita ko rito depende pa rin sa sipag ko syempre.”

Ganito rin ang dahilan ni Mark Garcia, na freelance web developer,­ aniya bukod sa makakaiwas sa trapiko, hindi rin nito inaalala ang kanyang mga katrabaho at nakabase ang kanyang kita kung ano ang kanyang output.

Kabilang sina Jenny at Mark sa target na matulungan ng Republic Act 11165 o ang Telecommuting Act na naglala­yong mabigyan ng proteksyon ang karapatan ng mga manggagawa na mayroong flexible work arrangement o mga nagtatrabaho sa labas ng opisina.

Ano ang telecommuting?

Ang Telecommuting Act ay nagpo-promote ng paggamit ng teknolohiya para sa mga manggagawa. Sa ilalim ng ganitong kasunduan, maaa­ring maisagawa ng isang empleyado ang kanyang trabaho kahit nasa bahay ito o saan man na hindi na tutu­ngo pa sa opisina.

Kailangan lamang sa ganitong kasunduan ang gagamiting laptop o computer at internet connection.

Paliwanag ni Senador Joel Villanueva na pangu­nahing may akda at isponsor ng work from home scheme, na opsyonal at nakadepende pa rin ito sa mapagkakasunduan ng employer at employee kung papayagan silang makapagtrabaho sa labas ng opisina gamit ang telecommuting o computer technologies.

Ang mga pahihintulutang magtrabaho sa work from home scheme ay dapat na makatanggap din ng parehong bene­pisyo, sahod at overtime pay tulad ng mga regular office employee alinsunod sa batas ng paggawa o Labor Code.

Kasabay nito, magbubukas din ang halos 700,000 na opurtunidad para sa middle to high skilled worker ang paggamit ng makabagong teknolohiya ayon sa Business Process Outsourcing Association of the Phili­ppines.

Kaya naman, umaasa ang tulad nina Jenny at Mark na sa tulong ng batas na ito at ng mga skill na gumagamit ng teknolohiya mas marami pang Pinoy ang makakapagtrabaho nang komportable sa kani-kanilang mga bahay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy