Una sa Balita

Women’s volley, luhod sa Thailand

0 307

DOBLENG kabiguan ang nalasap ng Philippine women’s volleyball team matapos na makatapat ang 11-sunod na kampeon sa SEA Games na Thailand sa tuneup match Martes ng hapon sa Ramkhamhaeng University sa Bangkok, Thailand.

Ang kabuuang 13 beses naging SEA Games champion na Thailand ay nabigo lamang sa isa sa isinagawa na limang set na laro, 12-25, 19-25, 12-25, 25-21, 15-9 upang ipalasap sa mga Pinay ang ikalawang masaklap na kabiguan.

Una naman natalo ang PH women’s team sa loob ng limang set kung saan nakuha nito ang unang dalawa bago na lamang pinalasapa ng tatlong sunod na kabiguan ng mga mas batang Thailand U-23 noong Lunes, 25-22, 25-22, 23-25, 17-25, 13-15.

Bagaman nakalasap ng kabiguan kontra Southeast Asian powerhouse Thailand na binitbit nina Pleumjit Thinkaow at Wilavan Apinyapong ay nakita ng pambansang koponan ang kanilang magiging tsansa sa Southeast Asian Grand Prix na gaganapin Setyembre 20-22 sa Nakhon Ratchasima at sa iho-host ng Pilipinas na ika-30 edisyon ng SEA Games Nobyembre 30 hanggang Disyembre 10 sa Ninoy Aquino Stadium.

Nakadagdag sa problema ng pambansang koponan ang hindi pagkakasama nf Fil-American na si Iris Tolenada na hindi pinayagan ng kanyang koponan na Motolite.

Tanging sina team captain Aby Maraño, Kalei Mau, Alohi Robins-Hardy, Ces Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Majoy Baron, Mylene Paat, Roselyn Doria, Kath Arado at Dawn Macandili ang sumabak para sa mga Pinay.

Muling makakasagupa ng Philippine team ang Thailand U-23 ngayong Huwebes ng umaga. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy