Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Window hour ‘di ubra sa NCR hebigat na trapik

0 137

Nauunawaan natin ang pagpupursige ng gobyerno na maibsan ang matinding problema natin sa trapiko, lalo na sa Metro Manila.

Kaya ikinasa ng Department of Transportation at Metropolitan Manila Development Authority ang window policy kung saan ay pinapayagan lamang ang mga terminal ng bus sa EDSA na mag-operate mula alas-10 ng gabi hanggang 5 ng umaga upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa EDSA.

Puwede naman itong solusyon bakit hindi, pero sa dami ng pasahero sa Metro Manila lalo na ngayong unti-unti nang nagbabalik sa normal ang galawan ay talagang masikip ang daloy ng trapiko at hindi kakayanin ng limitadong mga bus bunsod ng ipinatupad na window hour.

Domino effect kasi ang mangyayari kapag nagkaipitan sa trapiko kahit ba sabihin nating mga pamprobinsyang bus lang ang hinihigpitang makapasok sa kanilang mga terminal na nasa EDSA.

Kaya mas mainam na ibasura na ito dahil mas marami ang apektado.

Kaawa-awa ang mga kaabayan nating nagko-commute na apektado ng sistemang ito.

Imbes na mapadali ang biyahe ay tumatagal, bukod pa sa dagdag gastos dahil kailangan nilang magpalipat-lipat ng masasakyan patungo sa kanilang destinasyon sa Metro Manila.

So sana ay makita ito ng mga kinauukulan. Hindi ito ang tamang panahon para pahirapan ang commuters bagkus ay dapat hinahanapan ng solusyon para maging ligtas ang pagbibiyahe.

***

Ebidensya ang magsasabi sa bigat ng kaso

Nakakabahala ang naging tugon ng ilang politikong inaakusahan ng korapsiyon sa lungsod ng Malabon.

Nagpalabas ng pahayag ang kampo ni Malabon Mayor Len-Len Oreta na pamumulitika lamang ang ugat ng pagsasampa ng kaso laban sa kanya at ilan pang indibiduwal ng isa nitong constituent.

Kamakailan kasi ay sinampahan ng plunder at ibang kasong kasong kriminal, sibil at administratibo sa Ombudsman si Oreta, misis nitong si Melissa Grace Oreta, Konsehal Jose Lorenzo Oreta at Ilan pang mga opisyal sa pamahalaang lungsod at isang unibersidad.

Nag-ugat ang kaso dahil umano sa iligal na paggamit ng P69 milyong pondo ng United Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

Ang naging reaksiyon ng kampo ni Oreta ay hindi nagustuhan ng asosasyon Kontra-Daya at Korapsyon, isang non-government anti-corruption watchdog sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA).

Ayon sa grupo karapatan ng sinomang mamamayan na magreklamo lalo na kung mayroon silang natuklasaan na katiwalian at korapsyon sa gobyerno.

Hinikayat din anila ng kasong ito ang mga pangkaraniwang mamamayan tulad ng mga nagrereklamo na huwag matakot at makisama sa pagkukubli ng katotohanan.

Bagama’t naniniwala silang makapangyarihan ang pamilyang kinasuhan pero may karapatan pa rin ang mga nagsampa ng kaso na sabihin ang kanilang nalalaman.

Ngayong election season hindi naman talaga dapat agad-agad tayong naniniwala sa mga ibinabatong alegasyon. Kailangang samahan ng lehitimong ebidensiya ang bawat akusasyon.

Kaya abangers na lamang tayo sa kahahantungan ng kaso lalo na’t maraming politiko na sa ating bansa ang nasampolan ng kaso dahil sa plunder na isang non bailable offense.

Leave A Reply

Your email address will not be published.