Una sa Balita

Win sa mga LGU: Magtayo ng temporary hospital!

0 337

Kinakailangan nang magtayo ang mga local government unit (LGU) ng pansamantalang pagamutan at isolation facilities habang patuloy na umaakyat ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, ito ay para ibukod at matulungang gumaling ang mga pasyenteng may mild symptoms.

Iminungkahi ni Gatchalian na itayo ang mga pasilidad na ito sa mga maluluwag, malilinis, at maaliwalas na espasyo tulad ng mga gymnasium upang mapigilan ang lalong pagkalat ng coronavirus sa bansa,

Sabi ng senador, maaaring gamitin ang mga pasilidad na ito ng mga persons under investigation o PUIs. Pwede ring gamitin aniya ang mga paaralan, mga dormitoryo, at mga hotel bilang mga isolation areas.

Nagbabala si Gatchalian na hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad ng mga ospital sa bansa upang tugunan ang pag-akyat ng mga kaso ng coronavirus dito.

Sa Quezon City, halimbawa, may tatlong pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 pero pinauwi ng ospital dahil wala nang sapat na espasyo.

Inihalimbawa ng senador ang Wuhan, China na dating tinaguriang epicenter ng pandemic sa coronavirus kung saan 16 na temporary hospital ang nakapagpagamot ng halos 13,000 mga pasyente.

Ipinasara na ang mga naturang ospital matapos bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod at sa buong China.

“Kailangang manguna ang ating mga lokal na pamahalaan sa mga hakbang na tulad nito. Kung titingnan natin ang halimbawa ng ibang bansa, makikita natin na posible pala ang paglalagay ng mga pansamantalang pagamutan upang matulungan nating gumaling ang mas marami pang positibo ng COVID-19,” paliwanag ng senador. (Dindo Matining)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More