Una sa Balita

Win No. 2 pakay ng Phoenix vs TNT

By
0 380

Mga laro ngayon: (Ynares Center, ­Antipolo)
4:30 pm – Meralco vs. Blackwater
6:45 pm – TNT vs. Phoenix

NAGLIYAB ng career-high 24 points si Justin Chua para pangunahan ang Phoenix Pulse, pero siya rin ang dahilan ng muntik na pagkatalo ng Fuel Masters sa Meralco Miyerkoles ng gabi sa unang laro nila sa 44th season ng PBA.

“Nagpapasalamat ako kay Calvin (Abueva)­ kasi kung ‘di niya na-shoot ‘yun, yari ako kay coach,” natatawang pahayag ni Chua pagkatapos ng laro sa Smart Araneta Coliseum.

Hahabulin ng Phoenix ang pangalawang panalo kontra TNT KaTropa sa nightcap mamaya ng Petron Saturday Special ng Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo. Galing ang Texters sa 90-79 loss sa Ginebra sa opening day noong Linggo sa Philippine Arena.

Sa final 11 seconds, napunta kay Chua ang bola at sumagasa basket pero kabyos ang tira. Nilipad ni Abueva ang rebound, inunahan ang tatlong defenders ng Bolts para ibalik sa basket ang game-winner.

“For me, I feel na I lost that game for the team, buti na lang andun talaga si Calvin,” dagdag ni Chua na 9 of 17 mula sa field at perpektong 6 for 6 sa free throws.

Nawala sa konsentrasyon si Chua sa last 34 seconds ng regulation nang panoorin si Ranidel de Ocampo na humablot din sa mintis ni Reynel Hugnatan at bumitaw ng short stab para itabla ang iskor sa 83-83 na nagpuwersa sa extra period.