Una sa Balita

Willie Revillame wawasakin ng mga kalaban sa politika

By
0 543

Mukhang isinarado na ni Willie Revillame ang kanyang pintuan para sa mundo ng politika. Ilang buwan na siyang nililigawan ng mga politiko para imbitahang sumanib sa kanilang puwersa pero hanggang sa pakikinig lang ang kanyang kompromiso.

Matindi ang alok kay Willie para tumakbong mayor ng Quezon City kung saan siya nakatira, maraming politikong susuporta sa kanyang laban, pero hindi buo ang kanyang loob na harapin ang laban.

Isang mataas na opisyal­ din ng gobyerno ang kumausap sa kanya para isali siya sa listahan ng mga senador na tatakbo sa darating na eleksiyon pero ganu’n pa rin ang kanyang paninindigan. Makikinig lang muna siya.

Wala siyang kongkretong sagot sa mga lumalapit sa kanya, hanggang sa pakikinig lang ang maipapa­ngako niya, dahil kailangan niya munang balanse­hing mabuti kung iiwanan na ba niya ang pagho-host at tututok na siya sa serbisyo publiko.

Maraming kontra sa kanyang pagpasok sa pulitika, hindi na nga naman niya kailangan pa ng posisyon sa ating pamahalaan para makatulong, dahil ang ibi­nibigay niyang pag-asa sa mga kababayan nating kapuspalad sa pamamagitan ng Wowowin ay sobra pa sa sapat kung tutuusin.

“Naku, wawasakin lang ng pulitika ang pangalan niya. Magugulo lang ang buhay niya. Lugar na tahimik lang siyang tumutulong nang walang kapalit, e, madadamay pa siya sa napakagulong pulitika sa bayan natin,” payo kay Willie ng kaibigan naming propesor.

Walang ibang dapat gawin ngayon si Willie Revillame kundi ang sundin ang kanyang puso. Kung sa palagay niya’y kaya niyang pasukin ang isang mundong mas magulo pa kesa sa showbiz, nasa kanya ang pagdedesisyon, tutal naman ay kilalang-kilala siya sa pagkakaroon ng magandang puso para sa maliliit.()