Una sa Balita

West Valley fault hindi gagalaw

0 409

Publiko kinalma ng Phivolcs

PINAWI ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangamba ng publiko na masusundan pa ang 6.1 magnitude quake na tumama sa Luzon.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum hindi maapektuhan ang West Valley Fault ng naranasang lindol na ang epicenter ay naitala sa bayan ng Castillejos sa Zambales.

“The earthquake yesterday would not trigger the movement of the West Valley Fault, it’s so small. But the West Valley Fault can move because it is independent of the fault that moved yesterday to cause the Magnitude 6.1 earthquake,” paliwanag ni Solidum.

Ang paggalaw ng West Valley Fault na may 100 kilometro ang haba ang pinangangambahan ng publiko dahil posib­leng tumama ang 7.1 magnitude quake kapag gumalaw ito.

Samantala, simula kahapon ay nasa 406 aftershocks na ang naitatala ng Phivolcs. Sa nasabing bilang, 8 ang naramdaman habang 62 ang natukoy kung saan ang epicenter habang ang ilan ay sobrang hina para matukoy kung saan nagmula.

Ang mga magnitude ng mga aftershock ay nasa pagitan ng 1.4 hanggang 3.4.
Umapela din si Solidum sa publiko na huwag magpakalat ng fake news lalo sa social media.

Matapos ang lindol na tumama ay naglabasan din ang mga fake news na nagbababala na magkakaroon ng 7.1 lindol sa mga susunod na araw at tatama umano ito sa Bulacan, Quezon City, Markina, Pasig, Makati, Taguig, Muntinlupa, Rizal, Cavite at Laguna.

Ani Solidum, walang makapagsasabi kung kailan mangyayari ang lindol kaya anumang maglalabasang balita na may paparating na lindol ay malinaw na fake news.

“Sa kasalukuyan, wala pang teknolohiya sa buong mundo na maa­ring malaman kung kailan maaaring maganap ang isang malakas na lindol,” ayon sa Phivolcs.

Umaasa ang ahensya na ang mga ganitong maling babala ay hindi na ipapakalat upang maiwasan ang misinformation at takot.
Pinayuhan din ni Solidum ang publiko na ang nangyaring lindol ay dapat magsilbi nang paalala sa lahat.

Ngayon pa lamang umano ay dapat alam na ng publiko kung ano ang gagawin sa oras na tumama ang mas ma­lakas na lindol.

Ang tumamang 6.1 magnitude quake ay kinokonsidera lamang na minor earthquake subalit malaki na ang pinsalang dinulot nito, paano pa umano kung ang the big one ang mangyari? (Tina ­Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy