Una sa Balita

Wesley umahon sa kumunoy

0 388

NAUWI muli sa draw ang laban ni super grandmaster Wesley So pero nakuntento ang kanyang mga fan dahil ginawa ng Pinoy star ang lahat upang manalo.

Bahagyang agrabyado sa puwesto si 25-year-old So, lamang pa ng isang pawn ang kanyang kalaban na si GM Yu Yangyi ng China, pero nagawa pa nitong maitabla ang laban matapos ang 47 sulungan ng Four Knights game.

“Mahirap ‘yung sitwasyon ng posisyon ni idol (Wesley), mabuti at nakatabla siya, sana sa mga natitirang round manalo siya para makahabol at mag-champion ulit,” saad ni Carlos Agoncillo, chess player sa Canada at fan ni So.

Nasa pangatlong puwesto si Imus, Cavite native So, kasalo nito si GM Jorden Van Foreest ng Netherlands tangan nila ang tig-anim na puntos.

Makakaharap ni So si GM Jeffery Xiong ng USA.

Mag-isa sa unahan si US GM Fabiano Caruana tangan­ ang pitong puntos, pinisak nito si 16-year-old GM Alireza Firouzja ng Iran sa 48 moves ng King’s Indian.

Nasa pangalawang puwesto si reigning World Champion GM Magnus Carlsen ng Norway na may 6.5 puntos.

Tinalo ni Carlsen si GM Vladislav Kovalev.

Makakalaban ni Caruana si Kovalev habang kikilatisin ni Carlsen si GM Jan-Krzysztof Duda. (Elech Dawa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More