Una sa Balita

Wastong pagdidisiplina para sa mas positibong mag-aaral

By
Win sa edukasyon
0 73

Maligayang pagdiriwang ng National Heroes Day, mga ka-Abante! Espesyal ang araw na ito lalo na sa mga magigi­ting nating mga ­magulang, guro at school official, na tinuturing natin na mga modernong bayani dahil sa kanilang sakripisyo, malasakit at tunay na pagmamahal sa kabataan. Naniniwala ako na tulad nila, marami pa ang mga nakatagong bayani sa ating bansa.

Kaya naman nakadidismaya at nakalulungkot ang balita nitong nakaraang linggo tungkol sa pagsunog ng mahigit na 20 school bag sa isang private school sa Bicol. Hindi maiwasang makaramdam ng galit dahil sa hindi makatwirang aksiyon ng naiulat na school administrator ng paaralan doon.

Base sa lumabas na viral video ay binilinan daw ang mga senior high student ng ‘no-bag policy’ para sa isang school event kung saan magiging mga substitute teacher sila sa mga junior high student habang nasa seminar ang faculty member nito. Ang kaso, hindi ito nasunod, dagdag pa ang hindi raw nila pagsuot ng corporate attire na utos din sa kanila.

Hindi naman po makatarungan na sunugin ang mga bag ng mga Grade 12 student bilang parusa. Sana sa mga ganitong pagkakataon, makataong pagdidisiplina kaysa sa malupit na aksiyon ang ginawa ng school ­administrator. Mas maigi sana na pinagsabihan at binigyan ng warning ang mga estudyanteng ito para mangako na hindi na mauulit ang nangyari.

Related Posts

Maharlika

Bawat araw

Kawawa ang mga ­estudyante, lalo na ang kanilang mga magulang dahil sa mga mahahalagang kagamitan tulad ng laptop, cellphone, damit at allowance na siguradong pinaghirapang maipundar ng mga ito. Hindi naman basta-basta napupulot ang pera na panggastos sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Lalong hindi natin gusto na ma-trauma sila sa karanasang ito. Sana ay inisip ito nang mabuti bago nagpadala sa emosyon.

Ipinagkakatiwala natin ang pagtutok sa insidenteng ito sa Department of ­Education (DepEd) kung may paglabag sa child protection policy at iba pang mga regulasyon ang opisyal na ­mananagot.

Ginagawa natin ang lahat para lalong mapaganda at mapaunlad ang educational experience ng lahat ng kabataang Filipino sa bansa. Kaya panawagan lang natin sa mga kasamahan nating naglilingkod sa education sector, sana ay parating magkasangga ang pangarap ng gobyerno at ng public at private schools para sa mga mag-aaral hanggang sa makapagtapos at makapagtrabaho na sila.

Sa ngayon, habang nasa ilalim pa sila ng ating pangangalaga para mag-aral, matuto at magtagumpay, siguraduhin natin na tayo ay magsilbing mabuting ehemplo sa kabataan sa pamamagitan ng tamang pagdidisiplina, pagbigay ng malasakit at dekalidad na pagtuturo.