Una sa Balita

Most wanted na misis sa Valenzuela, timbog

By
0 1,702

Arestado ang isang ginang na No. 7 most wanted sa talaan ng Station Investigation Branch (SIB) ng Valenzuela Police dahil sa pananaksak sa kaniyang kapitbahay noong nakaraang taon matapos siyang bumalik sa kanilang bahay kamakalawa ng gabi. 

Sa isinumiteng report ni Police Chief Insp. Jovencio R. Urvien Jr., head ng SIB, kinilala ang suspek na si Vilma Perdible, 37-anyos, ng No. 222 Hulo, Brgy. Bignay, Valenzuela City, na may kasong attempted homicide dahil sa pananaksak sa kaniyang kapitbahay noong Oktubre 2017.

Simula noon, hindi na ito nakita pa sa kanilang lugar nang mabatid na inihabla siya ng kapitbahay.

“Nag-evaluate kami ng mga wanted sa Valenzuela City at ito ngang si Mrs. Perdible ang naging No. 7. So bale siya ang buena-manong wanted na nahuli ng SIB,” paliwanag ni Major Urvien.

Pasado alas-­nuwebe ng gabi, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na namataan daw sa kanilang bahay ang suspek.

Bitbit ang warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Gia Crysteline Hurtado ng Valenzuela City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 108, pinuntahan nina PO2 Marcos Quitlong at PO1 Rose Ann de Los Reyes para arestuhin ang suspek.