Una sa Balita

Wanted: Mga guidance counselor, para iwas pambu-bully!

0 360

Katumbas ng kaha­lagahan ng edukasyon ng mga kabataan ay ang seguridad at kaligtasan nila mula sa anumang gulo at suliranin sa paaralan, lalo na ang nakakaalarmang bilang ng mga ulat ng bullying.

 Ayon sa depinisyon ng DepEd, ang bullying ay isang akto o serye ng akto na ginagawa ng isang estudyante sa isa pang estudyante, na nagreresulta ng pisikal at mental na pang-aabuso, panghaharas, pananakot at panghihiya.

 Base sa ulat ng Department of Education (DepEd), 22,059 ang kaso ng pambu-bully noong school year (SY) 2016-2017. Sa kabila ng pagbaba ng bilang nito mula sa 32,129 noong SY 2015-2016, hindi maikakaila na kagulat-gulat pa rin na ganito pala kalaki ang sitwasyong ‘bullying’ sa mga eskuwelahan.

 Dahil dito, labis kong hinihikayat ang DepEd na iprayoridad ang paglalagay ng mga guidance counselor sa lahat ng elementary at high school upang mawakasan na ito at mabigyan ng suporta ang mga biktima nito.

 Sa polisiya ng DepEd ay dapat mayroong isang guidance counselor sa bawat 500 mag-aaral sa lahat ng publiko at pribadong elementary at high school. Ngunit ang Pilipinas ay may kabuuang 3,220 rehistradong guidance counse­lors lamang mula noong Hulyo 2017 simula noong unang batch ng licensure examinees taong 2008.

 Sa pamamagitan ng ating guidance counselors na hasa sa paglulutas ng ganitong mga suliranin, hindi lamang sila makakapagbigay ng ayuda sa mga naging biktima ng bullying, kundi maging sa mga nambu-bully mismo upang maitama ang kanilang pagkakamali at matulungan silang magbago para sa ikabubuti ng sarili at ng kanilang mga kamag-aral.

 Tulad ng ating mga guro, makabuluhan ang ginagampanang papel ng mga guidance counselor dahil sila ang daan para maibsan ang mga estud­yante na maging children-at-risk o CAR, children in conflict with the law o CICL o tinatawag na juvenile offenders students.

 Sa paparating na ika-18 Kongreso sa Hulyo, isa sa mga ihahaing panukalang batas ng inyong lingkod ay ang pag-aam­yenda ng Republic Act No. 9258 o ang Guidance and Counseling Act of 2004 upang makakuha ang DepEd ng mas marami pang gui­dance counselors sa iba’t ibang paaralan.

 Pag-aaralan nating maigi ang mga kaila­ngang baguhin sa kuwa­lipikasyon para sa gui­dance counselor licensure examination na nakasaad sa Section 13 ng nasabing batas dahil sinasabing ito raw ay masyadong mahigpit ang requirements kaya kakaunti lamang ang mga guidance and counseling graduates na nag-aaplay ng lisensya.

 Anuman ang mangyari, lubos nating tututukan ito at sana nga ay malutas na sa lalong madaling panahon ang kakulangan ngayon sa guidance counselors at pag-aaralan ang kakaila­nganing budget para sa kanilang sahod.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy