Una sa Balita

Walang trabaho? Hindi problema, sabi ng Angat Buhay partners

By
0 40

Ito ang napakalaking problema na kinakaharap ng ating mga kababayan – kawalan ng trabaho.

Sa ulat ng Philippine Statistics Autho­rity nitong Hunyo, ang dating unemployment rate noong Abril 2016 ay bumaba matapos ang isang taon. Pero hanggang ngayon, dama ng ating mga kababayan ang hirap ng buhay dahil para sa kanila, walang trabahong angkop para sa kanila.

Isang taon na ang A­ngat Buhay, anti-poverty initiative ng Office of the Vice President ni VP Leni Robredo, at hanggang ngayon, patuloy pa din ang pagpunta namin sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas para magdala ng pag-asang kailangan ng bawat isa.

Abante Hiring – IT dep

Kasama ang mga A­ngat Buhay partners mula sa pampubliko at pribadong sektor, nagpursigi kaming tumulong sa iba’t ibang aspeto ng pamumuhay ng mga Pilipinong nasa pinakamaliliit, pinakamalalayo, at pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa.

Ngunit bukod sa pagtuon sa education, rural development, women empowerment, universal healthcare, food security and nutrition, at housing and resettlement, lalo na­ming napagtibay sa aming pag-iikot na malaki ang epekto ng pagkakaroon ng trabaho at oportunidad sa sapat na kabuhayan para tuluyang maiangat ang buhay.

Kaya ngayong nalalapit na ang Angat Buhay anniversary na kung saan palalawigin pa natin lalo ang programa at tututok sa trabaho at kabuhayan, minabuti naming maki­pagpulong sa Association of Filipino Franchisers Inc. (AFFI).

Ito ay isang organi­sasyon ng mga negos­yante dito sa Pilipinas na naglalayong itaguyod ang responsableng pagnenegosyo sa ating bansa. Kasapi nila ang mga kilalang tatak Pinoy tulad ng The Gene­rics Pharmacy, Master Siomai, Adobo Connection, Aquabest, Binalot, pati Bayad Center, at marami pang iba.

Ngayon, ano ang kinalaman ng Angat Buhay sa mga negosyanteng ito? Sa pagpupulong, nalaman naming malaki ang kanilang pangangailangan pagdating sa mga empleyado. Lalo pa’t palapit na ang kapaskuhan kung kailan dagsa na ang mga mamimili, kulang na kulang sila sa mga magtatao at magtitinda ng kani-kanilang mga produkto.

Ito ang puno’t dulo kung bakit sinimulan ang Angat Buhay.

Malakas ang panawagan ng trabaho ng ating mga kababayan, malakas din ang sigaw ng mga negosyanteng kulang sila ng mga empleyado – pero hindi sila nagkakarinigan. Sa pamamagitan ng A­ngat Buhay na nagtutulay sa dalawa, may kakayahan na tayong lutasin ang problema ng industriya at ng mga Pilipinong nasa laylayan.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kumpanya at iba pang vo­lunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-7050273.