Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Walang substitute sa matinong pamamahala

0 83

Kumusta naman kaya ang COMELEC ngayong linggong ito, ano. Matapos ang mahigit isang buwan ng malateleseryeng galawan ng ilang kakandidato sa parating na eleksyon, natunghayan nating lahat ang katawa-tawa at medyo nakakainis na finale noong Lunes, sa huling araw ng filing ng substitution para sa Halalan 2022.

Daig pa ang Voltes V sa pagsanib-pwersa ng sari-saring kandidatong sa totoo lang, wala na ngang maayos na track record, namumutiktik pa sa anomalya ang karera sa politika. Kung tapat nating susumahin: Ito ‘yung mga taong tumatakbo dahil gustong manatili o makabalik sa kapangyarihan, o tumatakbo dahil may tinatakbuhan.

Sa isang banda, nakakainsulto at nakakadismayang makita kung paano nilang pinaglalaruan ang ating electoral system, lalo na’t nasa gitna pa rin tayo ng isang pandemyang magdadalawang taon na nating pinagdudusahan. Malinaw ang mensahe kapag nakikita mong inuuna pa ng isang kandidato ang pamumulitika, sa halip na alagaan ang mga dapat pinaglilingkuran niya. Halimbawa na lang, ang pag-party sa exclusive na isla, sakay ang mamahaling private jet na malamang, bayad ng taumbayan.

Pero sa kabilang banda naman, dito lalong lumilitaw ang kinang ng ilang lingkod-bayan na totoong naghahangad lamang na makatulong lalo na sa pinakanangangailangan. Ngayong linggo, nakita natin ang napakaraming kuwento sa social media tungkol sa kung paano sila natulungan ng tanggapan ni Leni Robredo, partikular na iyong mga pasyenteng napadalhan ng oxygen tanks at iba pang kagamitan dahil hindi na makahanap ng bakanteng ospital. Sa gitna ng nakapaka-busy na schedule ni Leni, patuloy pa rin ang paggulong ng mga inisyatiba ng OVP gaya ng Angat Buhay, Bayanihan eSkwela, at Bayanihan eKonsulta.

Kamakailan nga lang, personal pang sinagot ni Leni ang isang comment na humihiling na makipag-partner sa OVP para madala ang Vaccine Express sa kanilang lalawigan. At habang aligaga ang iba sa gulo ng last day ng substitution, sina Leni at Kiko, maaliwalas ang ngiti habang bumibiyahe para kumustahin at pasalamatan nang personal ang mga “Kakampink” na volunteers at supporters ng Team Robredo-Pangilinan.

Sa darating na eleksyon, sana piliin natin yung hindi tayo pinapaikot, hindi tayo niloloko, hindi tayo inuuto. Sana piliin naman natin yung Pilipino ang pinipili, at hindi ang makasariling interes. Dahil kahit anong sirko pa man ang gawin ng iba sa proseso ng ating halalan, wala pa ring substitute sa mahusay, malinis, at mapagmalasakit na pamamahala.

At diyan, kilala nating lahat kung sino ang bukod-tangi at nangunguna.

Leave A Reply

Your email address will not be published.