Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Walang social distancing! Basketball court sa Navotas inalis

0 385

Pinatanggal ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang basketball ring sa court na tinatambayan umano ng mga kabataan at hindi sumusunod sa pinatutupad na protocol laban sa COVID-19 pandemic.

Kasabay nito ang panawagan ng alkalde sa mga magulang na residente na disiplinahin ang kanilang mga anak at huwag hayaang gumala at tumambay sa lansangan. Napanood kasi ni Tiangco ang video na may mga kabataan na naglalaro pa ng basketball sa Market 3, Navotas Fishport, Brgy. NBBN.

Kita rin sa video ang mga miron na nakatambay sa kalsada at nanonood ng laro na walang suot na face mask, dikit-dikit pa ang mga ito at hindi sinusunod ang social distancing protocol.

Dahil doon, kaagad na inatasan ng alkalde ang mga barangay official at inalis ang basketball ring at court na nakatayo sa Market 3 na ikinatuwa naman ng ibang residente doon.

Sabi ni Tiangco, dapat bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil base sa guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) , mahigpit na ipinagbabawal ang pagtambay sa lansangan ang edad 21 pababa pati na ang mga senior citizen na hindi naman empleyado.

“’Yung mga magulang din naman ang magbabayad ng multa o magko-community service pag nahuli ang kanilang mga anak lalo na kung minor. Hindi kami after dyan sa fine eh, ang gusto natin mahinto na ang COVID-19, papaanong mangyayari kung maraming pasaway,” ani Mayor Tiangco.

Sa pinakahuling datos, 503 ang COVID-19 cases sa Navotas at kamakailan ay isinailalim sa lockdown ang H. Monroy Street, Barangay Navotas West at Galicia Street, Barangay Bangkulasi dahil sa pagtaas ng nagpo-positibo sa virus. (Orlan Linde)

Leave A Reply

Your email address will not be published.