Una sa Balita

Walang sinasanto

By
0 396

Napatunayan natin sa Muntinlupa na walang sinasanto si NCRPO Director Police Chief Supt. Guillermo Eleazar pagdating sa mga pasaway na kapulisan.

Mistula ngang eksena sa pelikula ang napanood ng sambayanang Pinoy nang biglang sumalakay ang mga tauhan ng NCRPO sa loob mismo ng isang presinto ng Muntinlupa at pinagdadampot ang mga tauhan nito.

Pinadapa, pinosasan at pinaputukan pa ng NCRPO Special Ope­rations Unit ang mga inaarestong pulis na ang ilan ay nagbalak pang tumakas.

Ang maaksiyong eksena ay nag-ugat sa reklamo ng isang pamilya na pinasok ng mga pulis Muntinlupa nang walang search warrant.

Sa reklamo ng pamilya, dinampot ng mga pulis ang ina ng tahanan at pati na ang isa nitong anak na may kapansanan.

Tinaniman pa raw ng mga pakete ng shabu ang pamilya at sinaktan pa ang dalawa habang nasa istasyon.

Matapos ito, hini­ngan daw ng mga pulis-Muntinlupa ang pamilya ng malaking pera para pakawalan ang mag-ina.

Dahil sa kaapihang naranasan, nagsumbong kay Gen. Eleazar ang ama ng tahanan at matapos maberipika, isinagawa ang pagsalakay.

At hindi lamang ang Special Operations Unit ang sumalakay dahil matapos ang aksiyon, sumugod din si Gen. Eleazar at galit na galit itong sinermunan ang mga nakakahiyang pulis.

Pag-upong-pag-upo pa lamang nitong si Eleazar ay sinabi na nitong lilinisin niya ang kanilang hanay. Mukhang hindi naman agad naniwala ang mga nagtitigas-tigasang pulis. Akala yata ay nagpapapogi lamang ang hepe ng NCRPO.

Hayan tuloy nalantad sa national TV ang kanilang kabulukan. Nasubukan nila ang salita ni Eleazar na “Abot ko kayo!”

Sana naman sa pagkakataong ito ay makaramdam na nang pagtayo ng balahi­bo ang mga police scalawag partikular dito sa Metro Manila. Anumang pagtatago ng kanilang baho, si­singaw at sisingaw ito.

Marami na ngayon ang handang magsumbong dahil meron nang nakikinig.

Ngayong umaabot na sa itaas ang daing ng mga nasa ibaba, tiyak marami pang susunod na eksena tulad ng nangyari sa Muntinlupa. Kaya naman abang pa more tayo.