Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Walang puwersahan pagbakuna sa mga paslit – Duque

0 214

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na itutuloy ang pagbakuna sa mga batang edad lima hanggang 11 kahit may inihaing petisyon sa korte para ipatigil ang vaccination rollout para sa mga paslit.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, tuloy ang pediatric vaccination sa Pebrero 7 hangga’t walang inilalabas na temporary restraining order (TRO) ang Quezon City Regional Trial Court.

“Karapatan naman nila ang magsampa ng kaso, tingnan na lang natin ang aksiyon ng korte,” komento ni Duque.

Kaugnay ito sa isinampang petisyon ng dalawang magulang, na kinatawan ng Public Attorney’s Office (PAO) na kumukuwestiyon sa legalidad ng pagbakuna sa mga bata.

Nilinaw naman ni Duque na kung walang pahintulot o hindi pumapayag ang mga magulang ay hindi rin naman pipilitin na bakunahan ang mga bata.

“Kung ayaw pa huwag pilitin saka na lang baka naman magbago ang isip,” sabi ni Duque.

Samantala, nanindigan ang DOH na walang peligro sa mga bata ang bakuna laban sa COVID.

“Batay sa global data mula sa 8.7 million vaccinated children sa mundo, 97.6 % sa mga ito ay walang naranasang adverse events following immunization,” ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Sakali man aniyang magkaroon ng adverse events sa mga bata ang COVID vaccine, ito ay mild lamang na maaaring gamutin sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

“Mild or banayad lamang ang mga ito gaya ng pananakit sa injection site, pananakit ng ulo o pamamantal na maari namang gamutin sa bahay at mawala rin sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw,” dagdag ni Vergeire.

Binigyang-diin ng opisyal na walang datos na nagsasabing maaaring maging sanhi ng pagkamatay ang COVID vaccine sa mga bata.

“Lahat ng bakuna ay FDA approved, ligtas, epektibo at pinag-aralan ng mga eksperto at walang report na may namatay o nagkaroon ng negatibong epekto sa mga bata,” wika ni Vergeire. (Juliet de Loza-Cudia/Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.