Una sa Balita

Walang Pilipinong maiiwan sa taripikasyon ng bigas sa mga pamilihan

0 863

Ngayong nalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tariffication Law, madalas nating makalimutan ang dahilan sa pagsasabatas nito – ang mahahabang pila sa mga bigasang bayan, ang pagsirit ng presyo nito sa mga pamilihan, at ang walang habas na pagpuslit ng smuggled na bigas sa ating mga pantalan.

Maliban dito, paulit-ulit ang paggiit ng mga economic manager at ng National Economic Deve­lopment Authority (NEDA) na ang importasyon ng bigas sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) ay hitik ng pagkakataon upang tumagas ang pondo ng pamahalaan. Pera ng bayan mula sa koleksyon ng pagbubuwis ang ipinopondo sa mga transaksyong ito.

Sa ilalim ng dating sistema ng importasyon, walang nakukuhang ta­ripa o nakukulektang buwis ang gobyerno mula sa mga importasyong isinasagawa ng NFA. Sa pagtatapos ng dating pinairal na Quantitative Rice Restriction (QRR), ilang taon din tayong nagkukrus ng mga daliri, makaiwas lamang sa hablang maaaring isampa sa World Trade Organization (WTO) dahil sa kawalan ng pagtalima sa napagkasunduang pagsasabatas ng taripikasyon sa bigas.

Ngayon, 35% ang ipapataw na taripa sa bawat bigas na aangkatin ng sinumang mangangala­kal o negosyanteng papasok sa importasyon. Napakalaking kaibahan sa 0% tariff na kumakatawan sa subsidiya ng estado sa mga pag-aangkat na isinagawa noon ng NFA upang punan at tugunan ang kakulangan ng supply ng bigas sa mga pamilihan.

Kaakibat ng batas sa taripikasyon ng bigas ang pagtitiyak ng pamahalaan na hindi madedehado ang ating mga magsasaka sa pamamagitan ng mga suporta sa produksyon para bigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka sa pakikipagkumpetensya sa presyuhan kabilang na ang paglalaan ng P10 bilyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), ang pitong bilyong pisong rice program sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), ang pitong bilyong piso sa NFA na tanging nakalaan sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka para sa “buffer stocking” upang punan ang nakaimbak na bigas sa mga bodega ng gobyerno na pakakawalan sa sanda­ling kumulang ang supply sa mga pamilihan.

Maliban sa mga nabanggit, bago pa man malagdaan ni Pangulong Duterte ang batas na ito, inilunsad na ng Landbank noong Hulyo 2018 ang ang Accessible and Sustainable Lending (ASL) Program – mga pansuportang pinansyal para sa pautang-pampuhunan para sa mga magsasaka na mababa ang interes. Ang maganda dito, Landbank ang pupunta sa ating mga magsasaka – hindi ang magsasaka ang maninikluhod sa Landbank upang dumulog ng problema sa puhunan. Ang mga ito ay bilang pagtalima sa utos ng ating Pangulo sa Presidential Directive No. 2018-0176 noong 24 ng Abril 2018, sa Landbank, DA at Department of Agrarian Reform (DAR) na maglikha ng mga pakete ng pautang para sa maliliit na magsasaka, lalong-lalo na sa mga Agrarian Reform Beneficiaries o ARBs.

Inaasahan din ang mga sumusunod na resulta ng batas na ito: Dapat puno ang mga bodega, mara­ming supply ng bigas sa mga pamilihan, walang makikitang pila sa mga bigasang bayan, matatag at mababa ang presyuhan, walang limitasyon sa dami ng maaaring bilhin, walang mangyayaring pagrarasyon sa mga mamimili. Higit sa lahat ng ito, walang Pilipinong magugutom sa ilalim ng kasalukuyang pangasiwaan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy