Una sa Balita

Walang pang-iinsultong nangyari

By
0 380

Hindi ko alam kung kailan ito nagsimula, pero mayroong unwritten rule sa PBA na kapag malaki na ang lamang mo at siguradong panalo ka na dahil segundo na lang ang natitira sa laro, hindi mo na dapat i-shoot ang bola. Napahiya na ang kalaban at hindi na kaila­ngang dagdagan pa ang insulto.

Sa laban ng Alaska at Ginebra kamakailan sa Antipolo City, sobrang laki na ang lamang ng mga bata ni coach Alex Compton pero hindi ito naging dahilan para hindi na tumira sa huling segundo ng laro si Simon Enciso. Sa kasamaang palad, pumasok ang three-pointer nito kaya natapos ang laro sa iskor na 104-78. Bugbog ang Ginebra.

Habang hindi pa tumitira si Enciso, papunta na sa kabilang baha­gi ng court si Ginebra coach Tim Cone para kamayan si Compton at iba pang mga miyembro ng koponan. Pero nang pumasok ang tira ni Enciso, hindi na tumuloy si Cone at bagkus ay tumalikod na ito para pumunta sa dugout.

Alam ng lahat kung bakit: Bugbog na ang Ginebra at hindi na dapat pang dagdagan ang pagkapahiya ng koponan. Dapat sana’y hindi na tumira si Enciso.

Hinabol ni Compton si Cone para magpaliwanag pero hindi ito pinansin ng Ginebra coach. Ibig sabihin, galit ito dahil sa ginawa ni Enciso, na hindi pinigilan ni Compton.

Nagpaliwanag si Compton sa media na talagang sinadya nilang umiskor sa hu­ling segundo ng laro para madagdagan ang iskor ng koponan para kung magkaroon ng labanan sa quotient, mas maganda ang tsansa nila na makapasok sa playoffs.
Alam ni Compton na hindi tama ang ginawa ni Enciso pero inamin niyang may order ang mga manlalaro ng koponan na dagdagan ang kanilang iskor kung mabibigyan sila ng pagkakataon.

Ipinaliwanag din niya na minsan ay napaso na ang Alaska sa quotient kaya’t ganun ang naging order niya sa kanyang mga manlalaro.

Sa ganang akin, walang problema kung gustong umiskor ng alin mang koponan maski na papatapos na ang laro. Nasa mga manlalaro na ng koponan na nasa depensa kung pababayaan nilang umiskor ang kalaban.

At hindi ito dapat maging dahilan para mag-isnaban ang mga coach at mga manla­laro ng mga koponan na naglaban.
May punto si Compton at dapat itong intindihin ni Cone at ng kanyang mga manlalaro. Walang pang-iinsultong nangyari, nag-siguro lang ang Alaska.

Halimbang duma­ting din sa puntong kakailanganin ng Ginebra ang lahat ng puntos na magagawa nito sa isang laro para magkaroon ng advantage sa quotient system, hindi ba ito gagawin ni Cone?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy