Una sa Balita

Walang pake sa virus, Akyat-Bahay umatake

0 397

Kulungan ang bagsak ng isang lalaki habang nakatakas naman ang dalawang kasabwat nito matapos looban ang isang bodega at tangayin ang cellphone at pera ng manager, Lunes ng madaling-araw sa Caloocan City.

Nakilala ang suspek na si Ryan Angelo Vilaje y Geronimo, 31, residente ng Block 2-A, Lot 2, Phase 3E1, Dagat-dagatan Ave., Barangay 14, Caloocan City habang nakapuslit ang dalawa niyang kasabwat.

Ayon sa pulisya, naganap ang pananalisi bandang alas-3:00 Lunes ng madaling-araw nang pasukin ng mga suspek ang bodega ng Cameron Kitchen Wares sa 2A, Dagat-dagatan Ave., corner ACCO Homes, Brgy-14, Caloocan City.

Natutulog ang complainant na si Mary Jane Permo y Masangkay, 46, operations manager, nang maalimpungatan dahil sa narinig na ingay.

Nagbukas ng ilaw si Permo at sinalakay na siya ng mga suspek at tinutukan ng patalim ni Vilaje. Sa tulong mga kasabwat ay nakuha ang Samsung A7 ng suspek na nagkakahalagang P18,000 at P60,000 cash saka tumakas.

Agad nai-report ni Permo sa Caloocan Police ang insidente at nadakip ang suspek na si Vilaje sa harap ng bahay nito na kasalukuyang nakakulong sa Caloocan Headquarters at nahaharap sa kasong robbery. (Vick Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More