Walang nakaporma kay Hitting Spree

0 285

MULING ipinakita ni Hitting Spree ang husay sa karerahan matapos sikwatin ang titulo sa 2019 PHILRACOM “Four-Year-Old & Above Open Stakes Race” sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite Linggo ng hapon.

Kahit nakipagbugbugan sa unahan si Hitting Spree kay Truly Ponti hanggang far turn ay hindi ito naubusan ng lakas hanggang sa pagtawid ng meta.

Sa far turn, nagsimulang kumalas si Hitting Spree sa pagkakakapit sa kanya ni Truly Ponti subalit humalili naman si Pangalusian Island at Sooner Time na dumikit papasok ng home turn.

Bahagyang napa-angat ang puwet ng mga nakataya kay Hitting Spree dahil dumikit sina Pangalusian Island at Sooner Time sa rektahan pero hindi nasira ang diskarte ni class A rider JA Guce.

Pinakitaan ng latigo ni Guce si Hitting Spree at bigla itong umarangkada para hindi maabutan nina Pangalusian Island at Sooner Time.

Nasilo ng SC Stockfarm, Inc. ang P300,000 na premyo sa pagkakapanalo ni Hitting Spree.

“Marami pang lakas sa rekta kasi pinakitaan ko lang ng latigo at rumesponde naman si Hitting Spree,” saad ni Guce.

Tinawid ng Hitting Spree ang meta ng may dalawang kabayo ang distansiya sa nasegundong si Pangalusian Island habang tumersero si Sooner Time na pag-aari ni top horse owner Narciso O. Morales.

Nirehistro ng Hitting Spree ang 1:51 minuto sa 1,750-meter race, nahamig n goner ni Pangalusian Island ang P112,500 habang P62,500 ang napunta sa connections ni Sooner Time.

Kumalawit naman ng P15,000 ang breeder ng winning horse mula sa Philippine Racing Commission. (Elech Dawa)

Abante – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...