Una sa Balita

Walang mawawala sa pag-uusap

0 649

Agad binuhusan ng malamig na tubig ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang posibilidad sa pagbubukas na muli ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista.

Tinawag na ‘fake news’ ang napabalitang ‘back channeling talks’ na pangungunahan ni dating Philippine Coconut Authority Administrator Avelino ‘Billy’ Andal na ngayon ay Board Member ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.

Agad sinegundahan ni Presidential Advi­ser on the Peace Process Carlito Galvez si Lorenzana at sinabing hindi awtorisado si Andal na makipag-ugna­yan sa mga rebeldeng nasa Netherlands.

Noong nakaraang Martes, (Enero 15) lumigwak sa Malacañang Press Corps ang sinasabing pag-uusap nina Pangulong Duterte at Board Member Andal kasama ang ilang malalapit na kaibigan. ‘Informal’ lamang ang pag-uusap at ito’y naganap sa isang lamayan.

***

Sino nga naman ang makatatanggi sa Presidente ng bansa?

Kung ikaw ay hihi­ngan ng tulong at alam mong may magagawa ka, makatatanggi ka ba?

Ayon nga kay Presi­dential Spokesman Atty. Salvador Panelo, laging bukas ang PDU30 sa pakikipag-usap sa mga rebeldeng komunista. Kaya nga may ‘localized peace­talks’ na nagaganap.

Hindi iba kay Andal ang mga progresibong grupo. Naging bahagi siya ng nagkakaisang pagkilos laban sa diktaduryang Marcos.­ Marahil nakita ng PDU30 na malaki ang maitutulong ni Andal para mag-usap muli ang magkabilang panig.

Walang mawawala kung magpatuloy ang pag-uusap. Tama sina Lorenzana at Galvez, mahigit 50-taon nang nagbabakbakan ang mga sundalo at mga rebelde.
Pinoy kapwa Pinoy ang nagbabanatan.

Dapat lang mangi­babaw ang pag-uusap. kaysa magbakbakan.

***

Huwag sanang ma­ngibabaw sa Administrasyong Duterte ang mga utak, pulbura. Wala itong patutunguhan bagkus magastos pa.

Hindi malulutas ang problema ng ‘rebelyon’ sa pamamagitan ng bala at hindi rin makukuha ng mga rebelde ang ‘kapangyarihang politikal’ sa pamamagitan ng armas.

Dapat sundan ang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Libera­tion Front (MILF). Dahil pinili ang landas ng pag-uusap, nakikinabang ngayon ang magkabilang panig sa dibedendo ng pag-uusap.

Ang malungkot, hindi pa nga umiinit, agad binuhusan ng malamig na tubig nina Lorenzana at Galvez ang misyon ni Andal.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy