Una sa Balita

Walang mararating

By
0 3

Nagpulong noong Martes ang mga opisyal ng labing-walong National Sports Associations at pinag-usapan kung ano ang dapat gawin para mabigyan, ika nga, ng bagong dugo ang Philippine sports.

Ang nasabing pagpupulong ay ginawa sa Manila Polo Club sa Makati at pinangunahan ni Robert Bachmann, ang presidente ng squash association. Dumalo ang mga opisyal ng gymnastics, boxing, rugby, handball, netball, shooting, sepak takraw, swimming, judo, karatedo, triathlon, dragon boat/canoe-kayak, table tennis, squash, taekwondo, soft tennis, rowing at arnis.

Unang-una sa kanilang listahan ang dapat na pag-amend sa constitution at by-laws ng Philippine Olympic Committee. Para sa grupo, hindi na napapanahon ang by-laws ng POC.

Gusto rin ng grupo na ma-reactivate ang lahat ng POC Commissions at buksan ang mga ito sa mga NSA officials. Dagdag pa ng grupo, ang lahat ng mga advisers ng POC ay hindi dapat makialam sa lahat ng aktibidad ng POC.

At ang pang-huli, gusto ng grupo na ma-review ang lahat ng mga usapin tungkol sa mga NSAs na may kaguluhang nangyayari.

Balak ng grupo na i-submit ang naturang listahan sa susunod na POC gene­ral assembly.

Ang tanong: Saan makararating ang nasabing listahan? Pakikinggan ba ito ng kasalukuyang liderato na ayaw umalis sa puwesto?

I-amend ang POC by-laws? Eh ang tagal nga itong minaniobra para hindi makaporma ang ibang mga NSA officials na gustong maging presidente o opisyal ng POC.

At ma-review ang mga usapin tungkol sa mga NSAs na may kinakaharap na problema? Sino ang magiging kalaban ng grupo diyan? Hindi ba’t ang POC din?

Gusto din ng grupo na maging aktibo ang Philippine Sports Commission sa pagpapagawa ng sports facilities, living quarters para sa mga atleta at medical care ng mga ito.

Gusto rin ng grupo na maging madali ang buhay ng mga NSAs sa pakikipag-usap sa PSC at magkaroon ng sistema tungkol sa pagbili ng equipment at supplies para sa mga atleta.

Maganda kung maganda ang gustong mangyari ng grupo pero ngayon pa lang, nakasisiguro na tayong wala itong mararating dahil hindi ito bibigyang pansin ng liderato ng POC.

Para sa PSC, tiyak na welcome sa kanila ang gustong mangyari ng grupo.