Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Walang favoritism sa COVID bakuna

0 18

Nagpaliwanag ang Malacañang kung bakit mas tinututukan ang NCR Plus sa distribusyon ng CO­VID vaccines kumpara sa ibang lugar na dumadaing dahil sa kakapusan ng supply ng bakuna.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang kinikilingan ang gobyerno kung saan gustong buhusan ng COVID vaccine dahil ang pinagbabasehan ay kung saan ang mga lugar na may mataas na kaso ng kontaminasyon.

“Hindi naman po inequality kung hindi it is based on science na talaga pong kung saan ‘yong kuta o kung saan pinakamataas ang mga kaso ng COVID-19 ay binibigyan natin ng karagdagang supply dahil ‘yong pagbabakuna ay isang depensa laban sa lalo pang pagkalat ng COVID-19,” ani Roque.

Sa katunayan ayon sa kalihim ay hindi puwedeng ipagmalaki na ang NCR Plus ang pinakamaraming nabibigyan ng bakuna dahil isa itong malungkot na katotohanang hanggang ngayon ang marami pa rin ang hindi sumusunod sa tamang health protocols sa kabila ng paulit-ulit na paalala sa publiko.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nagrereklamo ang ilang lokal na pamahalaan dahil sa mabagal na distribusyon ng COVID vaccine kaya hindi umano nasusunod ang schedule para sa second dose ng bakuna, at hindi nasisimulan ang iba pang kategorya sa priority list ng national vaccination program.

Sa Maynila ay inihinto ang first dose mass vaccination matapos na maubusan ng supply ng COVID-19 vaccine.

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na wala munang first dose mass vaccination simula ngayong Hunyo 10.

“Wala na po tayong bakuna. Mag-aantabay po ulit tayo ng resupply,” ayon kay Moreno. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.