Una sa Balita

Walang bitbit na media, alalay: Panelo ready na sa commute challenge

0 324

Handa na si Presidential Spokesman Salvador Panelo sa pagtanggap niya sa hamon na mag-commute para masubukan nito ang hirap at sakripisyong dinaranas ng ordinaryong mamamayan sa pagsakay sa jeep at Light Rail Transit.

Gayunman, tumanggi ang kalihim na idetalye kung kailan at kung saan nito uumpisahan ang “commute challenge” sa Biyernes.

“Lagi naman akong ready eh. You’ll just hear about it and see it. Basta ako sasakay, tapos,” ani Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na hindi niya alam kung ano ang magiging pakinabang ng mga grupong naghamon ng commute challenge sa kanya dahil hindi naman aniya mababago ang sitwasyon kahit pa pinagbigyan niya ang gusto ng mga kritiko.

Binigyang-diin ni Panelo na kahit sino pa ang bumiyahe sa Metro Manila ay parehong makakaranas ng sakripisyo dahil ang problema ay ang trapik at hindi ang krisis sa transportasyon.

Kasabay ng pagtanggap sa hamon, tiniyak ng kalihim na bibiyahe siyang mag-isa at hindi magbibitbit ng alalay o media dahil sanay naman itong mag-commute.

Matagal na aniya siyang nagko-commute lalo na kapag wala ang kanyang driver kaya sanay na siya.

“Kayo ba nakita n’yo na akong may security eversince I assumed office in the government? None. Kahit sa mga biyahe ko abroad wala rin akong kasama, zero rin ako. Punta ka sa mall, makikita mo ako mag-isang lumalakad, kahit saan nag-iisa ako palagi,” wika pa ni Panelo. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy