Una sa Balita

Walang alam si Chief

0 551

Hindi dapat matapos ang isyu sa pagsibak lamang sa tatlong ‘intelligence officer’ ng Philippine National Police na naniktik sa mga gurong miyembro ng Alliance of Concerned Teachers o ACT.

Kung walang alam si PNP Chief Director General Oscar Alba­yalde sa paniniktik, dapat malaman kung sino ang nag-utos o nag-awtorisa sa tatlong ‘intelligence officer’ para magsagawa ng ‘profiling’ sa mga gurong kasapi ng militanteng grupo.

Kung hindi si Alba­yalde ang nag-utos ay sino? May iba pa bang Director General ang PNP at hindi nalalaman ng tunay na PNP Chief ang nangyayari sa kanyang bakuran?

Dahil nabuking ang operasyon, ang dumi­depensa at nagpapaliwanag ngayon ay si Albayalde. Ang tunay na nag-utos ay nagkukubli.

***

Tama si General Albayalde, kung wala namang itinatago ang isang tao o grupo, walang dapat ikabahala. Pero ang paniniktik ng mga awtoridad sa galaw at pagkilos ng mga tao ay naka­babahala. Mayroon kaagad ng elemento ng paghuhusga at pagdududa.

Ang mga guro ay responsableng mi­yembro ng lipunan. Sila ang ikalawang magulang ng mga bata, paglabas ng bahay. Kung isasailalim ang mga ‘titser’ sa tinatawag na ‘profiling’ ito’y nakababahala at maaring humantong sa kanilang kapahamakan. Paglabag rin ito sa ‘privacy’ ng isang tao.

Ang mga guro ay kumuha ng ‘board exams,’ pumasa man o hindi ay may ‘personal record’ ang mga ito sa Professional Regulatory Commission o PRC.
Maaring­ makipag-ugnayan ang PNP sa PRC kung may gustong makuhang impormasyon. Pero ang personal na tiktikan ang mga guro ay ibang bagay at nakakatakot.

Maraming pulis o sundalo na may kamag-anak na titser, kung hindi asawa, ay anak o kaya ay kapatid. Ano kaya ang kanilang mararamdamam kung ang kanilang mga mahal sa buhay ay tinitiktikan mismo ng kanilang mga kabaro?

***

Dahil lamang sa hinalang ‘symphatizer’ ng mga kalaban ng estado, ilan pa kayang mga propesyunal ang tinitiktikan ngayon ng ‘security forces’ ng gobyerno?

Halimbawa na lamang ang mga ‘reporter’ o ‘mamamahayag’ na ang trabaho ay kumuha ng balita, tinitiktikan din kaya sila ng mga ‘ahente’ ng gobyerno?
Nagtatanong lang po!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy